HUMAN RIGHTS FORUM June & September 2008

Krisis sa Pagkain

PAGPASOK ng Marso nitong taon, may nadagdag na dramatikong imahe ng paglabag sa karapatang pantao ng mga Pilipino – ang mahabang pila ng mga bata at mga nanay upang makabili ng murang bigas ng NFA.

Ang kasalukuyang krisis sa pagkain ay bunga ng patung-patong na paglabag at kapabayaan, pangunahin ng gobyerno, sa iba’t-ibang karapatang pantao ng mamamayan.

Unang-una na rito ang karapatan sa lupa ng mga magsasaka.  Ang pagpapatupad ng repormang agraryo ay hindi lamang upang mabigyan ng katarungang panlipunan ang mga nagbubungkal ng lupa.  Kailangan din ito upang mapataas ang produksyon ng pagkain at mai-angat ang antas ng pamumuhay ng mga lumilikha ng pagkain.

Ngunit makalipas ang dalawampung taon, hindi pa rin lubusang naipamahagi ang mga lupang sakahan sa bansa.

Pangalawa, mahalagang sangkap din ng repormang agraryo at ng karapatan sa pagkain ang pagpapatayo ng mga ‘farm to market roads,’ irigasyon, at iba pang imprastrukturang magpapataas sa produktibidad ng agrikultura at magtitiyak ng maayos at mabilis na pagbibiyahe ng mga produktong agrikultural.

Ngunit hanggang sa ngayon ay napakaraming bukirin ang umaasa pa rin sa ulan bilang irigasyon at mga malalayong komunidad na hirap na hirap dalhin sa pamilihan ang kanilang mga ani.

Tungkulin din dapat ng pamahalaang suportahan hindi lamang ang mga magsasaka kundi ang iba pang sektor na lumilikha ng pagkain tulad ng mga mangingisda at mga naghahayupan.  Ang suportang ito ay sa anyo ng mga pagsasanay, pautang, kooperatiba, pananaliksik, subsidyo, at iba pang mga programang magtitiyak sa kanilang kagalingan at magpapahusay din sa kanilang mga gawain.

Ang problema, marahil ay mabibilang sa daliri ang mga sinuswerteng nakakakuha ng ganitong mga tulong mula sa pamahalaan.  Siguro kung may kakilala sa barangay o munisipyo o kaya naman ay kung eleksyon.

Dahil sa mga nabubunyag na korapsyon sa mga ahensyang dapat sana ay tumutulong sa mga magsasaka at iba pang sektor sa pagkain tulad ng ‘fertilizer scam,’ hindi na kataka-takang halos wala nang nakakarating na tulong at mga pasilidad sa mga lumilikha ng pagkain.  Kaya maituturing ding paglabag sa karapatang pantao ang pangungurakot sa pondo ng bayan.

Natural hindi tatanggapin ng pamahalaan na ang pumuputok na krisis sa pagkain ay bunga ng kapabayaan at paglabag nito sa mga karapatang pantao ng mamamayan. Hindi nga ito binanggit sa ulat nito sa United Nations sa ilalim ng ‘Universal Periodic Review’ nitong Abril.

Hindi rin ito inamin ng pamahalaan sa ulat nito sa UN Committee on Economic, Social, and Cultural Rights na isinumite noong Disyembre 2006.

Tila ‘normal’ na ito sa mga pamahalaan, na pagtakpan o kaya ay itago sa napakahaba at paliguy-ligoy na detalye ang mga kapabayaan nito sa karapatang pantao.

Kaya naman ang hamon, hindi lamang sa mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao kundi sa kalakhang publiko, ay maibunyag at makalampag ang mga nasa pwesto hanggang sa sila ay makinig, igalang, seryosohin, at bigyang prayoridad ang ating mga karapatan.

In this issue:

Download the Human Rights Forum June 2008.

Sariling Pagpapasya

ANG MULING pagputok ng digmaan sa Mindanao bunga ng naudlot na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) ay isa na namang malungkot na yugto sa kasaysayan ng pakikipaglaban ng mga Moro sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya.

Kinikilala ng mga kasunduan sa karapatang pantao ang karapatan sa sariling pagpapasya ng mga tao kabilang na ang mga komunidad, sektor, tribu, at mga grupong may pinagsasaluhang interes, kultura, at kasaysayan.

Iginagalang ng karapatang ito ang kalayaan ng indibidwal at ng mga grupong itakda ang kanilang pang-ekonomiko at pampulitikang pag-unlad.  Kinikilala ring sila ang dapat kumontrol sa mga likas na yaman sa kanilang mga komunidad.

Sa kaso ng Mindanao, masalimuot nang usapin ang pagsasakatuparan ng karapatang ito ng mga Muslim at mga Lumad dahil marami nang interes ang nagbabanggaan upang makontrol ang mayamang lupaing ito.

Nandyan ang mga may-ari ng malalaking lupain at plantasyon, tradisyunal na pulitiko, higanteng korporasyon, at mga dayuhang pwersang masasagasaan kapag naging mapagpasya sa  ekonomiya at pulitika ang mga grupong nabanggit.

Ang pamahalaan na may pangunahing tungkuling  matupad ang karapatan sa sariling pagpapasya ay nakakadagdag pa sa paglala ng sitwasyon dahil sa pabagu-bago nitong patakarang pangkapayapaan.  Matatandaang iba-iba ang aktidud ng mga nagdaang administrasyon sa pagharap sa rebelyong Muslim mula sa seryosong pag-upo sa usapang pangkapayapaan hanggang sa ‘all out war’ ni dating pangulong Estrada.

At kahit na nasa gitna ng usapang pangkapayapaan, mabilis ding magbago ang posisyon ng pamahalaan at ng mga rebelde dahil sa kawalan ng tiwala sa isa’t-isa ng magkabilang panig.  Malimit ding magamit ng mga nasa poder ang kaguluhan sa Mindanao sa pampulitika nitong layunin lalo na tuwing eleksyon at pag kailangang ibaling sa iba ang mata ng publiko kapag humaharap sa krisis pampulitika ang administrasyon.

Nitong huli, naiwasan sana ang muling pagdanak ng dugo kung maayos na nagampanan ng parehong partido, lalo na ng pamahalaan, ang tungkulin nitong maipaalam at makonsulta ang lahat ng maaapektuhang sektor lalo na ang mga Lumad ang nasabing kasunduan sa lupaing ninuno ng mga Moro.

Ngunit ang pinakamalaking pagkukulang ng pamahalaan sa islang ito ay ang matagal nang pagpapabaya  sa mga karapatan at kagalingan hindi lamang ng mga Moro kundi ng iba pang naghihirap na mamamayan sa Mindanao.  Ilang dekada nang laging nasa dulo ng listahan ang rehiyong ito pagdating sa  edukasyon, kalusugan, nutrisyon, at iba pang sukatan ng antas ng pamumuhay.

Sa gitna ng kahirapang ito, hinayaan ng gobyernong patuloy na kontrolin ng iilang pamilya, mga pulitiko, at korporasyon ang malalawak na lupain at maging pangisdaan sa isla.  Karamihan sa malalaking plantasyon sa Mindanao ay hindi pa napapailalim sa patapos nang repormang agraryo.

Ang katotohanang ito ang nagtutulak sa rebelyon ng mga Muslim at nagpapaypay ng apoy ng kaguluhan sa Mindanao. Ibig sabihin, makakamit lamang ang tunay na kapayapaan sa nasabing isla kapag seryosong natugunan ng gobyerno ang mga suliraning ito at kinilala ang karapatan sa sariling pagpapasya ng mga Moro at Lumad.

In this issue:

Download the Human Rights Forum September 2008.

Leave a Comment Using Facebook
By | 2017-07-24T03:21:21+00:00 January 31st, 2010|2008|0 Comments