“Coco Farmer’s Trust Fund, Ipasa! Isabatas!” ang sigaw ng 75 magniniyog sa harap ng Malacañang noong ika-10 ng Abril upang kondenahin ang pag-veto ni Pres. Rodrigo Duterte sa Coconut Farmers and Industry Development Bill at Philippine Coconut Authority (PCA) Bill.

Ang dalawang panukalang ito ang susi sana upang tuluyan nang maipamahagi sa mga magniniyog ang coco levy fund – ang 75 bilyong pisong  halaga ng buwis na siningil sa mga magniniyog noong panahon ng Martial Law na ipinangakong gagamitin sa pagpapaunlad ng industriya ng pagniniyog sa bansa.

Ang consolidated version ng dalawang panukala na resulta ng isinagawang bicameral conference meeting ay isinumite sa pangulo noong Agosto 2018 upang pirmahan. Ngunit pagkatapos ng ilang buwang paghihintay, muli na namang binigo ang mga magniniyog nang i-veto ng pangulo ang mga panukala nitong Pebrero ngayong taon.  

Niyurakan at trinaydor kami ng Pangulo sapagkat isa ito sa mga pangako niya sa’min bago pa man siya maluklok sa pwesto, sabi ni Jhun Pascua, isang lider magniniyog.

Sawang-sawa na kami sa mga pangako, dagdag niya. 

Mahalagang pag-usapan ang isyu ng coco levy sapagkat ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao na nararanasan hindi lang ng mga magniniyog ngunit pati ng kanilang mga pamilya, partikular sa karapatan nila sa pag-unlad. Maraming magniniyog ang patuloy na naghihirap dahil sa kawalan ng oportunidad na umunlad at ilan sa kanila ay namamatay na dahil sa katandaan nang hindi pa rin napapakinabangan ang nasabing pondo.  

Ayon sa Office of the High Commissioner for Human Rights ng United Nations, ang karapatan sa pag-unlad ay hindi dapat ipinagkakait sa kahit sinuman. Obligasyon ng Estado na bigyan ng oportunidad ang bawat mamamayan na makilahok, makibahagi, at makatamasa ng panlipunan, kultural, at pulitikal na pag-unlad kung saan ang kanilang mga karapatan at kalayaan ay naitataguyod.  

Paano nga ba nagsimula ang isyu ng coco levy at paano nito naapektuhan ang milyong magniniyog sa ating bansa?

Kasaysayan ng Coco Levy

Bakas sa mukha ni Jhun ang galit at kalungkutan habang inaalala ang kahirapang dinanas ng maraming magniniyog noong panahon ng diktadurya. 

“Wala na kaming nagawa. Nagbayad kami kahit kakarampot yung kita namin sa niyugan. Ang sabi nila sa’min, yung coco levy ay para raw may pondo ang mga magniniyog pagdating ng panahon. Nagkaroon nga ng pondo pero iba naman ang nakinabang, hindi kami, yung mga crony ni Marcos” sambit ni Jhun. 

Ang coco levy fund scam ay nagsimula nung isabatas ang Republic Act 6260 o Coconut Investment Act ng dating Pres. Ferdinand Marcos.

Mula sa nakasaad na layuning paunlarin ang industriya ng niyog sa bansa at matiyak ang sapat na kita para sa mga magniniyog, pinatawan ng buwis ang bawat magsasaka sa halagang PhP 15 hanggang PhP 60 kada 100 kilo ng kopra na siyang bumubuo sa 15-30% sa kita ng isang magniniyog noong panahong iyon.

Milyon-milyong magniniyog ang kinolektahan ng coco levy nang siyam na taon at umabot ang nakoletang buwis sa 71 bilyong piso. Sa kasalukuyan, ang pondo ay lumaki na sa 75 bilyong piso.

Ngunit nagbago ang lahat nang ipasa ni Pres. Marcos sa mga Cojuangco at Enrile ang pangangasiwa sa pondo sa pamamagitan ng Presidential Decree 1468. Pagkaraan lamang ng ilang taon, halos kalahati ng pondo ay nalustay sa mga bagay na hindi naman kailangan ng mga magsasaka tulad na lamang ng mga makinaryang hindi nagamit ng mga magniniyog dahil sa kawalan ng kaalaman at mga scholarship programs na nilimita sa mga anak ng mga landlords sa niyugan.  

Ayon kay Executive Director Joey Faustino ng Coconut Industry Reform Movement (COIR), “Hindi lamang ninakawan ng pera ang mga magniniyog pero ginamit pa ang pera upang magtayo ng monopolyo na maglilimita sa mga magniniyog sa pagkokopra at magpapahirap sa kanila at ng kanilang mga pamilya.”

Dahil dito, nag-aklas ang maraming magniniyog sa bansa; ang ilan ay tumigil sa pagbabayad at bumuo ng mga maliliit na grupo na naging ilan sa mga matitibay na pundasyon ng pagkilos laban sa Martial Law sa kanayunan.

Limang dekadang pakikibaka

Ang pakikibaka sa coco levy ay tumagal nang halos limang dekada at ang grupo ng mga magniniyog ay lalo pang lumaki at lumawak.

Isa sa mga makasaysayang pangyayari sa pakikibakang ito ay ang pagmartsa ng 71 na magniniyog mula Davao patungong Malacañang noong September 21, 2014 upang bawiin ang 71 bilyong coco levy fund sa loob ng 71 na araw. Ito ay pinangunahan ng Kilos Magniniyog (KM), isang koalisyon ng mga organisasyon ng magniniyog sa buong bansa.

Pagsasalaysay ni Jhun, “Sama-sama kaming naglakad upang i-pressure ang gobyerno at para makapagmulat sa ibang tao tungkol sa isyu ng coco levy. Yung mga matatanda, mga babae, mga kabataan, sumama sila sa laban namin”.

Ang pagkilos na ito ang naging mitsa ng pagbigay pansin ng pamahalaan sa mga hinaing ng mga magniniyog na nagresulta sa pagkakapasa ng Coconut Farmers and Industry Development Bill at PCA Bill pagkatapos ng tatlong serye ng pagdedebate sa Senado at sa Kongreso.

Bagamat ayon kay Jhun, “Sa tatlong kongresong dumaan, lumabnaw nang lumabnaw na ang batas{panukala]. Ang lumabas sa [panukala] batas ay hindi yung gusto ng mga magsasaka, kundi yung gusto ng mga senador at kongresista. Pero dahil sa kagustuhan naming mapabilis ang pagbahagi sa pondo samin, tinanggap na lang namin dahil marami na sa amin ang namamatay.”

Ngunit muli silang binigo nang i-veto ni Pres. Duterte ang mga panukala.

“Hindi nila nakikita na habang pinapatagal nila ang pagbigay sa amin ng dapat sa amin, marami sa mga magniniyog ang namamatay na at patuloy na naghihirap,” buntong-hininga ni Jhun.

Bakit kailangang maipamahagi na ang coco levy sa mga magniniyog?

“Bale, 8 pesos po ang kada kilo ang kopra sa amin. Sa loob ng tatlong buwan, nakakaipon lang kami ng Php 8000. Tapos hati-hati pa kami dun ng mga kasama ko, kaya pumapatak, Php 2000-3000 kada buwan. Ginigipit talaga kami sa amin.

Dagdag pa yung pagmahal ng mga bilihin. Kasi sa bigas pa lang, per salop ay PhP 130 tapos magbebenta kami ng kopra, ilang salop lang ng bigas ang kayang bilhin nun, wala pang pang-ulam. Yung gas, yung pagkain ang mahal pero yung produkto namin, sobrang baba.

Hindi namin alam kung paano namin iutilize yung niyog. Hindi lang dapat pagkokopra. Ang dami kasing pwedeng gawin sa bunga ng niyog pero wala kaming alam kase wala namang programa ang gobyerno para turuan kami.”

Apolonio Lumen, 47, Samar

“Pagkatapos ng Yolanda, napakalungkot, 70% ng niyugan namin ang nawala…

Sa ngayon, 6 pesos lang per kilo ang kopra sa amin. Hindi makatarungan talaga. Marami sa amin ang tinatamad ng magkopra kasi sobrang baba nga ng presyo.

May dalawa akong anak. Pinagtatiyagaan na lang namin kasi wala kaming choice eh. Sa isang linggo, pagkaksiyahin namin yung 500 pesos. Ang mahal na kasi ng mga bilihin. Ito na naman ang pangalawang Yolanda sa buhay namin. Binagyo tayo, namatayan tayo, ngayon patuloy pa tayong pinapatay ng mga polisiyang ito.

Kahit mabababa ang presyo ng kopra, nagtatanim pa rin kami kasi yun lang talaga kinabubuhay namin. Mamamatay kami pag kami ay tumigil.”

Zuharto Agao, 57, Cotabato

“May mga programa nga ang gobyerno pero hindi tugma sa pangangailan naming mga magniniyog. Sa Mindanao, marami nga ang niyog, ang problema, mababa ang presyo.

Ang bawat kilo ng kopra ay 15 pesos. Tapos paghahatian pa yun ng ilang magsasasaka.

Pag humihingi naman kami ng tulong sa gobyerno, sabi nila, maghintay kayo kasi may plano ang gobyerno eh hanggang ngayon wala naman. May mga programa sila kaso hindi akma dun sa sitwasyon namin.

May anim akong anak at lima pa sa kanila ang nag-aaral. Sa baba ng kinikita namin buwan buwan, hirap talaga kami na pagkasiyahin yun kaya kailangan naming mag-adjust. Kunyare sa pagkain, imbes na kumain kami ng tatlong beses sa isang araw, dalawang beses na lang.

Ang mga magsasaka lalong naghihirap, at yung mayayaman ay yumayaman habang ginagamit nila ang pera ng mga taong mahihirap.”

Restita Datario, 63, Aurora

Mababang presyo ng niyog at kopra kaya parang wala kaming kinikita. 6 pesos lang pero kilo kaya wala na kaming kinikita.

Kulang sa pagkain, hindi makapag-aral ang aming mga anak. Sa maghapon ay dalwang beses na lang kumain dahil sobrang mahal ng bilihin. Kakain lang kami ng saging, ng niyog kase di na talaga ng pera eh. Pero pag binagyo ang mga ito, wala na. Kaya hindi rin namin mapag-aral ang aming mga anak kase nga wala kaming maipakain sa kanila.

Para saming mga babae naman, kailangan naming tulungan ang aming mga asawa sapagkat kung nasa bahay lang kami, walang mangyayari sa amin. Mahirap talaga at mahirap para sa aming mga ina na makita ang aming mga anak na naghihirap.”

Bagamat ang niyugan ang isa sa pinakamalaking agricultural export industry ng bansa, ang 3.5 milyong magniniyog ay siya namang pinakamahirap na sektor, kasama ng mga mangingisda.

Ayon sa National Anti-Poverty Commission (NAPC), ang isang magniniyog ang kumikita lamang ng Php 20,000 kada taon. Iba pa ito sa sitwasyon ng mga nagkokopra na kumikita lamang ng 10,000 o mas mababa pa kada taon.

Ang pangunahing dahilan nito ay ang mababang presyo ng kopra. Ayon sa ulat ng Inquirer, ang presyo ng kopra ay bumaba ng 66% mula Php 38 per kilo noong 2017 patungo sa Php 12 ngayong 2019. Ito ay maaaring pang bumaba depende sa rehiyon at taga-angkat.

Ang mababang presyo ng kopra ay sanhi ng pagkatali ng lokal na pamilihan ng kopra sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Dahil dito, ang kakarampot na kita ng mga magniniyog ay hindi sumasapat sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan tulad ng pagkain at pagpapaaral sa kanilang mga anak.

Bukod dito, ang mabilis na pagtaas ng mga bilihing sanhi ng mga polisiya ng bagong administrasyon (TRAIN law) ay lalo pang nagpapahirap sa mga pamilya ng mga magniniyog lalo na sa kanayunan. Marami sa kanila ang hindi na nakakakain ng tatlong beses sa isang araw at ang kanilang mga anak ay tumitigil na na sa pag-aaral dahil sa sobrang kahirapan.

Ang pagkakulong ng mga magniniyog sa pagkokopra bilang hanapbuhay ay isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi sila umuunlad. 

Ayon kay Joey Faustino, ito ay dahil sa kawalan at kakulangan ng konkretong plano at programa upang paunlarin ang industriya sa niyugan. Gaya na lamang ng pagtuturo ng mga makabagong etsratehiya sa pagniniyog at pagkokopra, at pagbibigay ng mga alterbatibong kabuhayan para sa mga magniniyog. 

Sa pag-aaaral ng Kilus Magniniyog, kung magkakaroon lang ng sapat na suporta mula sa gobyerno, marami pang ibang produkto ang maaaring pakinabangan ang mga magsasaka sa kanilang mga niyog tulad na lamang ng langis, tubig, harina, asukal, mga coco fiber-based products at iba pa.

Panawagan ng mga magniniyog

Kilalalanin ang ating ugnayan. Ang niyog ang nagbibigay kabuhayan sa amin, at nagbibigay-buhay sa inyo bilang pagkain at sangkap sa maraming ginagamit sa pang-araw-araw.

Huwag iboto ang mga may sala sa mga magsasaka. Ang paghahari ng iilang elitista sa house at senate ang dahilan ng hindi pagkakapasa ng coco farmers trust fund. Nariyan sina sen. Cynthia Villar na kontra sa interes ng magsasaka, ang mga Marcos, Cojuangco, Lobregat na sa kasayasayan ay naging bahagi ng aming paghihirap.

Makiisa sa aming kampanya. Ngayon higit kailanman, kinakailangan ang pakikiisa ng mas malawak na hanay ng mga mamamayan upang igiit ang aming karapatan sa coco levy, sa aming lupa, at sa buhay na malaya mula sa kahirapan.

Sa 18th congress, ipasa ang coco farmers trust fund, ang bersyon ng mga magniniyog. Sa proseso ng 17th congress malinaw na inamyendahan ng iilang kongresista as senador ang batas ayon sa sarili nilang interes. Nariyan ang pagtatanggal ng 5 hectare limit sa mga benepisaryo ng coco levy kung saan maging ang mga malalaking nag-aari ng lupa, ng mga hacienda ay maaaring makinabang. Nariyan din ang paglilimita sa representasyon ng mga magniniyog.”

Ang pag-veto ng pangulo sa Coco Trust Fund bill ay hindi ang katapusan ng laban sa pagbawi sa coco levy. Ang mga magniniyog ay patuloy na makikibaka haggang sa mabawi nila ang nararapat sa kanila.

Ang mga magniniyog ay may karapatang umunlad at walang sinuman, maging ang estado, ang maaring humadlang sa pagkamit nila ng karapatang ito.

“Hindi kami susuko. Tuloy-tuloy lang ang pakikibaka namin. Kinaya namin ng ilang dekada at hindi na namin ito hahayaang mamamana pa ng mga anak namin. Yan ang pangako namin.” paghahamon ni Jhun.

Leave a Comment Using Facebook