ANG PANUKALANG
‘CARP EXTENSION WITH REFORMS’

Ni EUGENE TECSON*

 

Ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP ay pangunahing programa para sa proteksyon ng mga pang-ekonomiko at panlipunang karapatang may kinalaman sa kaunlaran ng kanayunan sa Pilipinas.

Ayon sa Saligang Batas ng 1987, sa ilalim ng Seksyon 4 (Repormang Pansakahan at Panlikas na Kayamanan), Artikulo XIII (Katarungang Panlipunan at mga Karapatang Pantao),

Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas, ng programa sa repormang pansakahan na nakasalig sa karapatan ng mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa bukid, na mga walang lupa, na tuwiran o sama-samang magmay-ari ng mga lupang kanilang sinasaka o, sa kalagayan ng iba pang mga manggagawa sa bukid, tumanggap ng karampatang kaparte sa mga bunga niyon. Tungo sa layuning ito, dapat magpasigla at magsagawa ang Estado ng makatwirang pamamahagi ng lahat ng mga lupang pansakahan, na sasailalim sa mga pangunahing layunin at sa makatwirang pananatili ng mga sukat na maaaring itakda ng Kongreso, na nagsasaalang-alang sa mga konsiderasyong pang-kalikasan, pangkaunlaran o pagkamakatarungan, at batay sa makatwirang kabayaran.

Nang isinabatas ang Republic Act No. 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) noong Hunyo 10, 1988, itinakda nito ang paglalaan ng P50 bilyon mula sa pambansang badyet para sa pagpapatupad ng repormang agraryo mula 1988 hanggang 1998. Ngunit sa dahilang hindi natapos ang pamamahagi ng lupa sa mga kwalipikadong agrarian reform beneficiaries o ARBs, isinabatas ang RA 8532 upang maka-paglaan ng karagdagang P50 bilyon at maipagpatuloy ang implementasyon ng programa hanggang 2008.

Sa kabila ng halos dalawampung taong pagpapatupad ng CARP, may tinatayang 1.3 milyong ektarya ng pribadong lupaing agrikultural mula sa kabuuang 8.1 milyong ektar-yang lupang saklaw ng programa ang hindi pa naipamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Gayundin, marami sa mga benepisyaryo ang hindi pa nakakatanggap ng anumang suportang serbisyo tulad ng irigasyon, farm-to-market roads, at post-harvest facilities.

Ang pinakamalaking pangamba sa hanay ng mga maliliit na magbubukid ay kung sakaling hindi magsabatas ng panibagong panukala na maglalaan ng karagdagang pondo para sa programa. Kapag nangyari ito, hindi na maipapatupad ang programa paglampas ng taong 2008. Dahil sa usaping ito, nagbuklod ang iba’t ibang samahan ng mga maliliit na magbubukid, mga non-government organizations o NGO, at iba pang mga sumusuporta sa repormang agraryo upang pag-usapan at buuin ang isang unity bill na binansagang “CARP Extension with Reforms.”

 

Konteksto at proseso ng pagkakabuo ng panukala

Noong nakaraang ika-13 na Kamara, dalawang panukalang batas kaugnay sa repormang agraryo ang lumabas.

Ang isa ay ang House Bill (HB) No. 5743 na pinamagatang “An Act Accelerating the Completion of the Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), by Providing Automatic Appropriation therefor, and Addressing Major Implementation Problems, Amending for the Purpose Republic Act No. 6657, as Amended, Otherwise Known as the ‘Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988’” na ginawa nina Rep. Risa Hontiveros-Baraquel ng party-list na AKBAYAN, Paralegal Educational Skills Advancement and Networking Technology (PESANTech), at Peoples’ Campaign for Agrarian Reform Network (AR Now!).

Ang pangalawang panukalang batas ay ang HB 5698 na pinamagatang “An Act Strengthening Further the Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) by Providing Augmentation Fund, Amending for this Purpose, Sections 2, 36 and 63 of Republic Act No. 6657, Otherwise Known as “The CARP Law of 1988” as Amended by Republic Act 7905 and Republic Act 8532, Directing the Process for the Conduct of a CARP Impact Validation, and for Other Purposes” na ginawa nina Rep. Mitra at ng Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services (IDEALS).

Dahil sa kakapusan ng panahon, umabot lang sa mga diskusyon ng Technical Wor-king Group (TWG) ang dala-wang panukalang batas at hindi naipasa ang mga ito.

Sa isang talakayang isinagawa ng Department of Agrarian Reform (DAR) at ng German Technical Cooperation (GTZ) noong Oktubre 18, 2006 hinggil sa post-CARP scenarios, lumabas na karamihan sa mga nagtataguyod ng repormang agraryo ay nagnanais na magkaroon ng mga pagbabago sa panahon ng ekstensyon ng CARP paglampas ng 2008. Noong Nobyembre 10, 2006, nagkaroon naman ng isang maliit na pulong ang mga nagsusulong ng repormang agraryo. Kasama dito ang AR Now, PAKISAMA, PARAGOS, Samahang 53 Ektarya ng Macabud, at Centro Saka, Inc. (CSI). Binuo dito ang balangkas sa pag-unawa ng CARP extension na tinawag na Sprint to the Line Framework.

Sang-ayon sa Sprint to the Line Framework, may panga-ngailangang pahabain pa ng hindi bababa ng limang taon ang pagpapatupad ng CARP. May tinataya pang 1.3 milyong ektarya ng pribadong lupaing agrikultural na kailangang ipamahagi at may mga suportang serbisyong kailangan pang ilaan sa mga ARBs. Sa panahon ng ektensyon, kailangang tutukan ng DAR ang pamamahagi ng lupa at pagresolba ng mga kasong may kinalaman sa repormang agraryo. Bagama’t prayoridad pa rin ang pagbi-bigay ng suportang serbisyo, ang tungkuling ito ay kai-langang ilipat na sa mga CARP implementing agencies (CIAs) o iba pang mga ahensya ng gobyerno na mas may kakayahan sa larangan ng pamimigay ng suportang serbisyo.

Alinsunod sa mga inisyal na kasunduan ng mga sumu-suporta sa repormang agraryo, isinagawa ang serye ng mga konsultasyon sa mga orga-nisasyon ng mga maliliit na magbubukid at mga NGO mula Disyembre 2006 hanggang ika-27 ng Hunyo 2007, hanggang sa nabuo ang panukalang batas sa CARP extension with reforms.

 

Mga pangunahing probisyon

Ang pinal na bersyon ng panukalang batas sa CARP extension with reforms na pina-magatang “An Act Accelerating the Completion of the Land Acquisition and Distribution Component of the Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) by Providing Automatic Appro-priation Thereof, and Addressing Major Implementation Problems of the Program, Amending for the Purpose Republic Act No. 6657, as Amended, Otherwise Known as ‘The CARP Law of 1988’ and Executive Order 129, as Amended” ay natapos noong Hunyo 27, 2007. Gaya ng nakasaad sa pamagat nito, layunin ng panukalang batas na agarang tapusin ang pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng awtoma-tikong paglalaan ng pondo at pagtugon sa mga pangunahing suliranin at balakid sa pag-papatupad ng programa.

Sa 33 pahina at 18 bahagi ng panukalang batas, ang mga sumusunod ay ang mga pangunahing probisyon:

• Pabilisin at tapusin ang pamamahagi ng lupa sa ilalim ng CARP sa loob ng pitong taon na may kaakibat na pondo mula sa General Appropriation na hindi bababa sa P38 bilyon taun-taon, mula 2008 hanggang 2015.

• Tiyakin ang pagbibigay ng pautang na katumbas ng sampung (10) porsyento ng kabuuang badyet ng CARP at suportang serbisyo sa mga benepisyaryo, kahit pagkatapos ng pamamahagi ng lupa sa mga ARBs.

• Tugunan ang mga problema sa implementasyon ng programa na nagsisilbing bala-kid sa pagkumpleto ng prog-rama. Kabilang dito ang mga isyu sa retention limit, standing crops, at instalasyon ng mga ARBs.

• Kategorikal na pagdeklara na ang mga Certificate of Land Ownership Awards o CLOAs at iba pang mga titulo na ibinigay sa ilalim ng programa sa repormang agrar-yo ay magiging “indefeasible” o hindi na maaaring ikansela pagkaraan ng isang taon mula sa pagkarehistro nito. Ito’y upang maiwasan ang anumang posibleng gawin ng mga malalaking may-ari ng lupa para pabagalin ang imple-mentasyon ng programa.

• Tiyakin ang direkta at pisikal na pamamahagi ng mga lupang agrikultural sa mga benepisyaryo.

• Pagbibigay-linaw na ang ibig sabihin ng instalasyon ng ARBs ay aktwal, pisikal, mapayapa, at tuluy-tuloy na akses at kontrol sa pinagkaloob na lupa sa mga benepisyaryo.

• Reorganisasyon ng DAR at pagpapalakas ng DAR Adjudication Board (DARAB), pagbuo ng isang Inter-Agency Committee sa suportang serbisyo at pagbuo ng isang Oversight Committee na taunang magrerebyu ng mga nagawa ng DAR hinggil sa implementasyon ng CARP.

• Pagkilala sa mga kaba-baihan bilang mga benepisyaryo ng programa, pati na ang pagbibigay ng suportang ser-bisyo na tinitingnan ang mga angkop na teknolohiya o kagamitan para sa mga kababaihan.

• Pagkilala sa mga karapatan ng iba pang mga kwalipikadong benepisyaryo at ang ligal na katayuan ng mga benepisyaryo sa mga kaso na may kinalaman sa kanilang lupa.

Sa kasalukuyan ay nangangampanya ang mga nagsusulong ng mga nabanggit na panukala upang mabuo ang panukalang batas sa CARP extension with reforms at maisa-batas ito sa lalong madaling panahon.

 

Mga hamon at pag-asa

Bagama’t nakikitang inisyal na tagumpay ang pagkakaisa ng mga organisasyon ng mga maliliit na magbubukid, mga NGO, at iba pang mga sumusuporta sa repormang agraryo sa pagbuo at pagtutulak ng panukalang batas sa CARP extension with reforms, mali-wanag na marami pa ring mga balakid sa pagsasabatas nito. Pangunahin na rito ang pagsampa nina Rep. Junie Cua at ng DAR ng HB 743, isang CARP extension bill na hiwalay at malaki ang pagkakaiba sa CARP extension with reforms bill. Marami ang nagsasabi na hindi makakatugon ang HB 743 sa mga problema sa implementasyon ng CARP dahil wala itong mga probisyon hinggil sa mga kailangang reporma. Sa ilalim ng HB 743, itutuloy ang CARP nang sampung taon at maglalaan lamang ng P16.2 bilyon taun-taon mula 2008 hanggang 2017.

Ang masaklap pa nito, naglagay ng probisyon sa HB 743 hinggil sa pagtanggap ng mga CLOA bilang kolateral sa pautang. Matatandaan na tinutulan na dati ng mga agrarian reform advocates ang pagpasa ng farmland as collateral bill dahil pinapayagan nito ang pama-halaan na bitiwan na ang obligasyon nitong maglaan ng suportang serbisyo sa mga ARBs at hayaan na lamang na gamitin ng mga ARBs ang kanilang mga CLOA bilang kolateral sa pautang.

Sa kasalukuyang sitwasyon na ang mga ARBs ay hindi nakakatanggap ng sapat na suportang serbisyo mula sa gobyerno, naaapektuhan ng tagtuyot o malakas na pag-ulan ang kanilang produksyon, at wala pa silang sapat na kakayahan para makapagbayad ng utang, ang farmland as collateral na probisyon sa ilalim ng HB 743 ay magdudulot lamang ng malawakang pagkabangkarote ng mga ARBs at tuluyang pagka-ilit ng kanilang mga lupa.

Nariyan na rin ang posisyon ng ibang mga organisasyon tulad ng KMP at PAMALAKAYA, pati na ng mga malalaking may-ari ng lupa na wala raw naging silbi ang implementasyon ng CARP kung kaya dapat na itong ibasura. Bukod pa rito, sinasabing mahihirapang itulak sa Kamara ang panukalang batas dahil ikalawang ekstensyon na ito at ang kasalukuyang Kamara ay pinapangunahan ng mga malalaking panginoong may-lupa.

Dagdag pa rito, mayroon ding mga nagsasabing mas praktikal na maglabas na lang ng simpleng panukalang batas sa ekstensyon dahil maikli lang ang panahon para matalakay ito.

 

Konklusyon

Bagama’t nakikitang malaki ang mga hamong kinakaharap sa pagpasa ng panukalang batas sa CARP extension with reforms, nakikita ng mga agrarian reform advocates na mahalagang ituloy ang kampanya at adbokasiya para maipasa ito. Ito’y sa dahilang malaki ang maitutulong nito sa pagsasaayos sa pagpapatupad ng repormang agraryo, na siya ring magsisilbing daan para matiyak ang proteksyon sa mga pang-ekonomiko at panlipunang karapatan ng mga pangunahing benepisyaryo ng CARP.

 

Mga Sanggunian:

• Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas, 1987.

• CARP Extension with Reforms. Powerpoint pre-sentation na prinesenta ng Sentro ng Alternatibong Lingap Panligal (SALIGAN) sa isang dialog kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Mala-kanyang noong Hulyo 7, 2007.

• CARP Extension with Re-forms Bill. Sinulat at tinapos ng general assembly sa CARP ex-tension with reforms (CARPer) Coalition, Hunyo 27, 2007.

• General Assembly on Reform CARP Bill: Context and Process. Powerpoint presenta-tion na prinesenta ng Centro Saka, Inc. noong Hunyo 4, 2007 sa Soriano Hall, SEAMEO-Innotech, Commonwealth Avenue, Diliman, Quezon City.

• Republic Act No. 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) ng 1988.

 

Si Eugene Tecson ay research associate ng Centro Saka, Inc.

Human Rights Forum ARCHIVES

• HRF Volume 4 Number 1 January - March 2007

• HRF Volume 3 Number 4 October - December 2006

• HRF Volume 3 Number 3
July - September 2006

• HRF Volume 3 Numbers 1 & 2 January - June 2006

• HRF Volume 2 Number 4 October - December 2005

• HRF Volume 2 Number 3
July - September 2005

• HRF Volume 2 Number 2
April - June 2005

• HRF Volume 1 Number 2
April - June 2004


Philippine Human Rights Information Center (PhilRights) 53-B Maliksi St., Brgy. Pinyahan, 1100 Quezon City
Tel. nos. +(632) 433-1714 and +(632) 436-5686 E-mail: prights@tri-isys.com

Copyright © 2007 PhilRights All Rights Reserved.
Web Design Services by PixelPunch