Pakikisalamuha sa mga TAONG “BUHAY-Daga”
Ni katrina badon canonce*

 

Strange is our situation here upon earth. Each of us comes for a short visit, not knowing why, yet sometimes seeming to a divine purpose. From the standpoint of daily life, however, there is one thing we do know: that we are here for the sake of others.

Albert Einstein

Sa dami kong problema, ngayon ko lang napagtanto na maswerte pa rin talaga ako.

Ika-9 ng Mayo, 2007. Iyon na ang itinakdang araw para sa aming pagbisita sa ilang komunidad sa Maynila. Kasama ang mga taga-KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod), ilang staff ng PhilRights at ang tatlong mga kapwa ko interns na galing UP-Manila, tinungo namin ang dalawang komunidad na sumasalamin sa tunay na katayuan ng buhay ng maraming Pilipino.

Una naming pinuntahan ang tinatawag na “Rat People” sa mayamang lungsod ng Makati.

Makati ? Parang hindi yata ako makapaniwala rito. Tuwing naririnig ko kasi ang lugar na ito, ang lagi kong naiisip ay mga malalaking kumpanya, malalawak na kalsada, shopping malls, department stores, kalyeng palaging nagsisikip sa trapik dahil halos lahat yata ng nakatira dito ay de-kotse. Dito ang mga eksklusibong subdibisyon tulad ng Forbes Park, ang mga sosyal na pasyalan at gimikan tulad ng Greenbelt, na parang hindi na kaparte ng Pilipinas dahil napakagara at pawang mga foreigners ang makakasalubong mo, at kung may mga Pinoy man, aba’y puro English-speaking na may accent pa!

Binagtas namin ang makitid na kalye sa gilid ng Philippine National Railways. Habang binubwelta ng drayber ang sasakyan para makaparada nang maayos, nakatingin ako sa kanan namin. Tinatanaw ko na kasi ang komunidad na bibisitahin namin, para mapaghandaan ko. Lingid sa kaalaman ko, mali pala ang tinitingnan ko. Ang pupuntahan pala namin ay sa kabilang bahagi, doon sa ilalim ng tulay. Naramdaman ko na agad na hindi magiging maganda ang mga susunod na masasaksihan ko.

Lumapit kami sa maliit na daanan patungo sa mga tirahang bibisitahin namin. Dahan-dahan kaming bumaba. Nakayuko kaming pumasok sa loob. Kung idederetso mo kasi ang likod mo, siguradong magkakabukol ka dahil mauuntog ka sa semento ng tulay. Pinaupo kami sa papag. Ang papag na ito, maliban sa pagiging higaan, ay nagsisilbing kainan, lamesa at upuan. Makitid at madilim dito. Hindi ka pwedeng lumakad na nakatayo. At nakasusulasok ang amoy mula sa imburnal. Kapag nadulas ka ay tuloy-tuloy ka sa maitim na tubig sa sapa. Hindi na rin nakapagtataka kung ang mga kasalo mo sa gabi ay naglalakihang ipis at daga. Hindi ko lubos na makunbinsi ang sarili ko na totoong may nabubuhay sa lugar na ito, sa ilalim ng tulay. Mga retaso ng kahoy at gulagulanit na sako ang ginawang palikuran. Tila wala na rin ang konsepto ng privacy sa komunidad.

Nakausap namin sina Kuya Edgar, Kuya Kokoy, Kuya Jackson at ilang kababaihan ng komunidad. Sila ay galing sa malalayong probinsya, nagbakasakaling swertehin dito sa kalunsuran. Ngunit naging mga iskwater dito. Dumaan sa ilang demolisyon. At ngayo’y walang ibang mapuntahan dahil hindi naman naisakatuparan ang ipinangako sa kanila ng gobyerno na resettlement. Kaya’t pinili na lamang nila ang mamuhay sa ilalim ng tulay. Mistulang mga daga ang kalagayan: subterranean na buhay, kung sa Inggles. Ito ang dahilan kung bakit tinawag silang “Rat People.” Kung tutuusin, may mga daga pa nga na mas maganda ang kalagayan.

Nakakalungkot ang kwento ng buhay nila. Napakaraming bata ang nagkakasakit dahil na rin sa walang preskong hangin na pumapasok sa lugar

Tuwing umuulan naman, wala silang magawa kundi lumikas sa ibabaw ng tulay. Pero hindi sila pwedeng magtagal dun dahil huhulihin naman sila kapag manatili sila sa may tulay.

Ano naman ang plano ng lokal na pamahalaan sa kanila? Sabi nila, na-disqualify sila sa relokasyon dahil hindi sila nakasali sa census. Paano naman daw kasi, yung mga taong nagsasagawa ng census, kapag nakita ang ganitong kalagayan ng isang komunidad ay hindi na nagpupunta.

Karamihan sa kanila ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagtitinda at paglalako ng tokneneng, fish balls at squid balls. Ang iba, lalo na ang kababaihan, ay namumulot ng mga plastik at kung anu-anong basura na pwedeng pagkakitaan. Hindi sumasapat ang kanilang kita para sa pang-araw-araw na gastusin sa pagkain at inuming tubig. Tuwing mahahalagang okasyon, tulad ng Pasko at bagong taon, nagkakasayahan na lamang sila sa pag-awit sa saliw ng gitara, pagkakasyahin ang naroon sa hapag at maya-maya ay aakyat sa tulay upang manood ng fireworks ng iba kahit mula sa malayo lamang.

Hindi inaabot ng sikat ng araw ang kanilang tirahan dahil nga nasa ilalim sila ng tulay. Kailangan mo pang lumabas para masilayan ang ganda nito. At ang pagkawala ng sinag ng araw na ito ay tila nagpapa-hiwatig na walang liwanag, wala nang pag-asa ang lugar at ang mga naninirahan dito.

Pero para sa 15 pamilya na sumisiksik sa ilalim ng tulay, hindi sila nawawalan ng determinasyon. Araw-araw nilang bubunuin ang kanilang buhay at pangarap. Gusto kasi nilang mabigyan ng mas maginhawang buhay ang kanilang mga anak. Hindi sila habang-buhay na sisilong sa ilalim ng tulay, sa gilid ng imburnal. Kaya araw-araw silang lalabas mula sa lungga upang maghanapbuhay sa ilalim ng sikat ng araw.

Si Katrina ay nasa 4 th year ng kursong BA Behavioral Sciences sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila. Naging intern siya ng PhilRights nitong Abril at Mayo, 2007.

Human Rights Forum ARCHIVES

• HRF Volume 4 Number 1 January - March 2007

• HRF Volume 3 Number 4 October - December 2006

• HRF Volume 3 Number 3
July - September 2006

• HRF Volume 3 Numbers 1 & 2 January - June 2006

• HRF Volume 2 Number 4 October - December 2005

• HRF Volume 2 Number 3
July - September 2005

• HRF Volume 2 Number 2
April - June 2005

• HRF Volume 1 Number 2
April - June 2004


Philippine Human Rights Information Center (PhilRights) 53-B Maliksi St., Brgy. Pinyahan, 1100 Quezon City
Tel. nos. +(632) 433-1714 and +(632) 436-5686 E-mail: prights@tri-isys.com

Copyright © 2007 PhilRights All Rights Reserved.
Web Design Services by PixelPunch