Human Rights Agenda ni GMA

NANANATILING palaisipan sa mga human rights advocates kung magkakaroon na ba ng malinaw na adyenda sa karapatang pantao si Gloria Macapagal Arroyo (GMA) sa pagupo niya bilang ika-14 na pangulo ng bansa. Matatandaang sa mga nakaraan niyang State of the Nation Address (SONA) ay wala siyang mga pahayag hinggil dito. Katunayan ang tatlong taon niyang pamumuno ay kinakitaan ng malamig na pagtrato at paglabag sa mga usapin at prinsipyo ng mga batayang kalayaan at karapatan. Ilan sa mga ito ay ang pag-alis niya ng moratorium sa pagbitay, pagpapatupad ng “no permit, no rally” sa mga pagkilos na laban sa kanyang administrasyon, pagsusulong ng antiterrorism bill, tahimik na pagkunsinti sa mga vigilante killings lalo na sa Davao, ilegal na paghuli, pag-tortyur at pagsalvage sa mga pinaghihinalaang mga terorista sa mga Muslim sa Mindanao at Metro Manila, paglabag sa karapatang maghanap-buhay ng mga sidewalk vendors na walang awang winalis ni Bayani Fernando, at mahaba pa ang ating listahan.

Bakit nga ba mahalagang marinig natin si GMA na nagsasalita sa lenggwahe ng karapatang pantao? Hindi dahil gusto lang nating bigkasin niya ang mga katagang ito at pagkatapos nun ay wala namang mababago sa mga polisiyang napatunayan nang hindi epektibo sa pag-ahon natin sa kahirapan at mga kaguluhan. Ang nais Human Rights Agenda ni GMA nating makita ay isang lider na nagsasalita at gumagawa habang ginagabayan ng prinsipyong ang layunin ng pamumuno ay matiyak ang kalayaan, karapatan at dignidad ng bawat isa sa kanyang nasasakupan.

Ang isyu ng “child soldiers” o mga batang sundalo na siyang tema natin ngayon ay bahagi at kaugnay ng iba pang mga problemang kinakaharap ng bansa sa pagsisimula ng anim na taong liderato ni GMA. Magiging makabuluhan at matagumpay lamang ang pagtugon sa usaping ito kung maayos ding masosolusyunan ang kahirapan, repormang agraryo, usapang pangkapayapaan, kawalan o kakulangan ng mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan, pagkain, at pabahay.

Naniniwala kami na magiging epektibo lamang ang pamahalaan sa paglutas sa mga isyung nabanggit kapag tiningnan nito na ang kabuuang kagalingan ng mamamayan ay isang karapatang dapat matamasa sa pinakamadaling panahon. Hindi dapat tingnan ang mga sangkap nito bilang mga simpleng “targets” ng kaunlaran na kapag hindi naabot sa itinakdang panahon ay ayos lang dahil pwede namang ilista ulit sa susunod na pagpaplano.

Sa pagbubukas ng ika-13 Kongreso at paghaharap ni GMA ng kanyang SONA, meron ba tayong nakikitang pag-asa? Meron ba siyang babanggiting human rights agenda? Kung meron man, maipatupad kaya ito? Tingnan natin.

In this issue:

Download the Human Rights Forum April – June 2004.

Leave a Comment Using Facebook