HUMAN RIGHTS FORUM 2005

Multo ng Terorismo

KASABAY ng pagguho ng dalawang tore ng World Trade Center noong 2001, isinilang ang bagong kalaban daw ng demokrasya at kapayapaan, ang  terorismo.

Mula noon, ipinantakot na ang terorismo ng mayayamang bansa tulad ng Estados Unidos at Britanya para maipatanggap sa kanilang mamamayan at sa buong mundo ang mga patakaran at mga aksyong taliwas sa mga prinsipyo ng karapatang pantao.

Hindi ba’t ang pag-hunting kay Osama bin Laden ang ginamit na dahilan para mapabagsak ang gobyernong Taliban sa Afghanistan? Si Saddam Hussein naman at ang kanyang “weapons of mass destruction (WMD)” ang tinukoy na target ng mga Kano sa pagsakop nila sa Iraq. Ito ay mga kampanyang nagdulot din ng takot, pagdurusa, at kamatayan sa mga mamamayan ng mga bansang nabanggit.

Pero teka muna, ano nga ba ang terorismo? Ang tutoo kahit sa lebel ng United Nations (UN) wala pa ring iisang legal na depinisyon sa konseptong ito. Maging ang mga anti-terorismong batas na ipinasa sa US at Britain ay walang binabanggit na malinaw na depinisyon ng terorismo.

‘Yan ang mahirap at mapanganib sa inilulunsad na giyera kontra-terorismo ng mga kanluraning bansa at ng gobyernong Arroyo dito naman sa Pilipinas. Nais nila ng dagdag na kapangyarihan at limitadong karapatan at kalayaan ng mga mamamayan para gapiin ang kalabang wala namang tiyak na hugis at identidad.

Sa ganitong sit-wasyon, kahit sino pwedeng maging tero-rista tulad ng mga nagpoprotestang mamamayan, mga aktibista, mga kalaban sa pulitika at negosyo, at kung sino pang herodes na buma-bangga sa mga tao, pamilya, at interes na nasa poder.

Lumilikha rin ng “mass hysteria” at nagpapatingkad sa diskriminasyon ang ganitong pagtugon sa problema ng terorismo. Halimbawa ay ang karaniwan nang pagsasangkot sa mga Arabo at Muslim sa mga teroristang gawain. Kaya madalas ay sinosona ng mga pulis ang kanilang mga komunidad at sila rin ang unang dinadampot kapag may mga bombahan sa siyudad.

Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit naganap ang “Bicutan Siege” kung saan tinortyur at pinatay ang mga presong halos lahat ay Muslim kahit nakontrol na ng mga pulis ang sitwasyon matapos ang tangkang pagtakas ng ilang bilanggo.

Sa ngayon, minamadali ni Pangulong Arroyo ang pagpapatupad sa National I.D. System at pagpapatibay sa anti-terrorism bill na nakasalang sa Kongreso. Ngunit kailangan ba talaga ang mga panukalang ito para sugpuin ang terorismo? Hindi pa ba sapat ang mga kasalukuyang batas? Ano ang garantiya na hindi magagamit ang mga kapangyarihang ito para sa interes ng iilan?

May mga nagsasabing ang terorismo raw ay “pagsasagawa ng mga aksyong nagdudulot ng pagkatakot, pagdurusa, pasakit, at kamatayan sa mga sibilyan para sa pampulitika at pang-ekonomiyang layunin.” Hmm, teka lang, hindi ba ginagawa rin ito ng mga gobyerno?

In this issue:

Download the Human Rights Forum January – March 2005.

Guilty!

ITO PO ang aming hatol kay Ginang Gloria Macapagal Arroyo (GMA) dahil kung malinis ang kanyang konsensya, bakit pinatay ng mga mambabatas na kaalyado ng Malacañang ang ‘impeachment complaint’ sa Kongreso?

Magkano kaya ang inubos ng palasyo pambili ng boto ng mga ‘tongresista’? Balita po ay hindi bababa sa 2 bilyon na huwag na nating tanungin kung saan nanggaling.  Bukod sa pera, meron pa raw ‘three wishes’ ang mga kawatan este kinatawan na karaniwan ay mga ‘juicy positions’ sa gobyerno para sa kanilang mga asawa, anak, kapatid, kamag-anak, at kaibigan.

Bakit hindi hinayaang lumabas ang katotohanan sa likod ng ‘Hello Garci’ controversy gayung si Gng. Arroyo mismo ang nagsabi na daanin sa proseso ng impeachment ang pagresolba sa isyung ito.

Kasi ang mga natatakot lamang sa katotohanan ay yung mga may kasalanan!

Ngunit hindi lamang pandaraya sa eleksyon at paglustay ng pera ng bayan ang utang ni GMA. Kailangan ding singilin ang kasalukuyang administrasyon sa kabikabilang paglabag sa mga karapatang pantao ng mamamayan.

Nananatiling tahimik si GMA sa paghahari-harian ni Bayani Fernando ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Tila mga dagang walang masulingan ang mga ‘sidewalk vendors’ at mga ‘informal settlers’ tuwing dumarating para manggiba ang mga tao ng MMDA.

Wala ring kibo si GMA sa tila diktador na pamumuno ni Mayor Rodrigo Duterte ng Davao City. Hayagan ang pagsuporta ni ‘Digong’ sa mga pag-‘salvage’ ng Davao Death Squad (DDS) sa mga pinaghihinalaang magnanakaw at naglalako ng droga. Ngayong taon lamang ay umabot na sa 143 katao ang itinumba ng DDS.

Mas nakakabahalang isipin na ang ‘style’ ng DDS ay kinokopya na rin ng ibang lokal na pamahalaan tulad sa Cebu na meron nang ‘hunter team’ at sa General Santos City naman ay ‘broom-broom boys.’

Ang pagsakay din ni GMA sa giyera kontra terorismo ng Estados Unidos ay nagdulot ng mas matinding diskriminasyon, ‘illegal arrests and detention,’ pag-tortyur, at pagpatay sa mga kapatid nating Muslim sa Metro Manila at Mindanao.

Marami pang nais maningil kay GMA, mga grupo at sektor ng mamamayan na hinahagupit ngayon ng mga polisiyang tulad ng pag-una sa pagbabayad ng utang panlabas, pagsasapribado ng mga serbisyong panlipunan, regresibong sistema ng pagbubuwis, at pagpasok ng mga dayuhang produkto na pumapatay sa lokal na industriya at magsasaka.

Ito ang isa sa pinakamatinding trahedya ng ating bayan, ang magkaroon ng pekeng pangulo na ‘human rights violator’ pa.

In this issue:

Download the Human Rights Forum April – June 2005.

Mendiola! Mendiola!

SIMBOLIKONG TULAY sa pagitan ng mga nasa kapangyarihan at ng mamamayan, kaya hindi katakatakang
madalas mabanggit ang Mendiola sa mga pahina ng ating kasaysayan.

Nagiging makabuluhan ang kapirasong daanang ito patungo sa Malakanyang sa mga panahong dinidikdik ang kalayaang pulitikal ng mamamayan. Nagiging hamon at sigaw ng pagtutol ang pangalan nito kapag tinatapatan ng dahas ng estado ang kalayaan ng sambayanang magpahayag, magtipon-tipon, at magprotesta.

Umalingawngaw ang mga sigaw na ito noong ‘First Quarter Storm’ sa panahon ng diktadurang Marcos.  Kasama rin ito sa mga huling salitang binigkas ng mga magsasakang nasawi noong ‘Mendiola Massacre’ sa panahon ng pamumuno ni Gng. Cory Aquino.

Ngayon, si Gng. Gloria Macapagal Arroyo (GMA) naman ang nagkakait sa kapirasong espasyong ito mula sa mamamayang ang tanging pakay ay palabasin ang katotohanan sa likod ng kontrobersyang ‘Hello Garci.’ Sa bisa ng BP 880 at ng polisiyang ‘no permit, no rally,’ marahas na binubusalan ang mga tanong hinggil sa mga alegasyon ng pandaraya noong 2004 eleksyon.

Ngunit nakababahalang isipin na sa pagkakataong ito, ang labanan para ‘bawiin’ ang Mendiola ay nalimitahan sa pagitan ng mga pulis at mga militante at pulitikong kalaban ni GMA, habang ang karamihan, bagamat gigil na gigil sa mga nasa poder, ay nanatiling nanonood sa isang tabi.

Wala na nga bang pakialam si Juan dela Cruz sa ipinapahiwatig ng isang Mendiolang napapalibutan ng mga pulis, barikada, at ‘barbed wires’? Titiisin na lang ba niya at ipagkikibit-balikat ang harapharapang paglapastangan sa kanyang karapatan at kalayaan?

Sa tingin po namin ay hindi. Marami nang sakripisyo at labang dinaanan ang sambayanang Pilipino para sa demokrasya at kalayaan at hindi basta-basta malilimutan ang mga aral na itinatak ng mga karanasang ito.

May malalim na implikasyon kung bakit hindi dumagsa sa kalsada ang masa matapos patayin sa Kongreso ang ‘impeachment complaint’ laban sa pangulo at matapos ideklara ng Malakanyang ang ‘calibrated preemptive response’ laban sa mga raliyista.

Ang kawalan ng alternatibo ang isa sa pinakamalaking pumigil sa pagbagsak ni GMA mula sa kapangyarihan. Karamihan sa mga tao ay nagtatanong: kung pababagsakin si Gloria, sino ang ipapalit? Sawang-sawa at pagod na pagod na ang mga tao sa pagluklok sa mga pareparehong ‘trapo.’

Hindi rin nakiliti ang imahinasyon ng publiko ng mga pormulang inihain ng mga progresibong grupo. Ang ‘transitional revolutionary government’ o TRG, bagamat naglalatag ng mga hakbang tungo sa isang demokratiko at makatarungang kaayusan, ay hindi nai-package bilang isang realistikong plano tungo sa pagtatayo ng isang gobyernong kakatawan sa interes ng sambayanan.

Ibig lang sabihin, hindi maaaring mawala ang mga ideyal na sinisimbolo ng Mendiola; likas sa mga tao ang pagmamahal sa kalayaan. Kailangan lang pag-aralang mabuti ang mga programa at solusyong inihaharap sa kanila at huwag magpatali sa mga tradisyunal na pananaw at pamamaraan.

In this issue:

Download the Human Rights Forum July – September 2005.

Karapatan at Kalakalan

NITONG Disyembre ay idinaos ang 6th Ministerial Conference ng World Trade Organization (WTO) sa Hongkong upang pabilisin ang pagbuo ng mga bagong kasunduan sa lalo pang pagbubukas at pagtanggal ng mga restriksyon sa pandaigdigang kalakalan.

Ang mga panibagong kasunduang ito, tinawag na “Doha Round,” ay kinakailangang mabuo at magkabisa sa pagtatapos ng taong 2006 dahil kung hindi malalagay sa alanganin ang buong proseso ng globalisasyong itinutulak ng mayayamang bansa.

Sa kasaysayan ng mga negosasyong ginaganap sa ilalim ng WTO, laging matindi ang banggaan ng mga interes ng mga bansa lalo na sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap na bansa. Lalong maigting ang pagtutol ng iba’t-ibang organisasyon ng mga sektor sa lipunan.

May basehan ang mga akusasyon ng mahihirap na bansa at mga ‘civil society organizations’ na hindi demokratiko ang mga proseso sa loob ng WTO at sa aktwal ay mga industriyalisadong bansa ang nakikinabang sa mga nabubuong kasunduan sa kalakalan.

Isang kongkretong halimbawa nito ay ang pagmamadali ng mayayamang bansa na ibaba o alisin ang mga taripa sa mga produkto ngunit nagbabagal naman sila sa pag-alis ng subsidiya sa kanilang ‘exports.’

Bukod dito, pinipilit din nila ang maliliit na bansang limitahan ang kani-kanilang suporta sa agrikultura.

Sa ganitong kalagayan, luging-lugi ang mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas dahil paano makikipaglaban ang mga lokal na magsasaka at negosyante sa mga ‘imported’ na produktong bukod sa mas mahusay ang kalidad ay madali pang makapasok sa ating bansa.

Oo nga’t pabor sa mga mamimili ang pagkakaroon ng mga murang ‘imported’ na produkto ngunit sino ba ang karamihan sa mga mamimiling ito? Hindi ba’t sila rin ang mga magsasaka at mangggagawang ang kinikita, kung meron pa, ay unti-unting pinaliliit ng hindi patas na kalakalang ito?  Sino pa ang bibili ng mga produktong ito kung tuluyan nang mamatay ang ating agrikultura at industriya?

Sa klase ng globalisasyong ito, malabong magkaroon ng sustenidong pagunlad ang mahihirap na bansa at lalo ring hihina ang kanilang kakayahang tugunan at ipagtanggol ang karapatan ng kanilang mga nasasakupan.

Nakalimutan ng mga bansang pumaloob sa WTO na sa ilalim ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) kung saan nakapirma rin sila, obligasyon nilang magtulungan para sa pandaigdigang paggalang, pagprotekta, at pagsasakatuparan ng mga karapatang pantao.

Hindi naman ito kataka-taka dahil sa kabila ng mga magagandang salita at layunin ng mga kasunduang pinagtitibay ng mga bansa, ang namamayani pa rin sa kanilang relasyon ay ang motibong kumita at magkamal ng yaman. Walang puwang sa samahang ito ang sinserong kooperasyon at pagtutulungan tungo sa mga mithiin ng mga karapatang pantao; kalayaan at dignidad para sa lahat; at kapayapaan at pagkakaisa ng mga bansa.

In this issue:

Download the Human Rights Forum October – December 2005.

Leave a Comment Using Facebook
By | 2017-07-24T03:21:22+00:00 November 26th, 2009|2005|0 Comments