HUMAN RIGHTS FORUM 2007

May saysay nga ba?

ANG PAGDARAOS ng eleksyon ang isa sa mga itinuturing na kongkretong manipestasyon ng demokrasya sa lipunan ngayon.

Kung paano ito isinasagawa ay isa ring malinaw na indikasyon kung gaano kalusog at kabuhay ang demokratikong diwa at praktika sa isang partikular na bansa.

Ang halalan din ay mahalagang instrumento upang bigyang katuparan ang karapatan ng mga mamamayang makilahok sa pamamahala at maitakda ang pampulitikang buhay at direksyong tatahakin ng bansa.

Nakalulungkot din lang isiping sa Pilipinas, ang eleksyon ay isa ring malinaw na sintomas ng talamak na kanser na patuloy na gumugupo sa ating mamamayan, sa ating kultura, at sa ating kinabukasan bilang isang bayan.

Tuwing sasapit ang eleksyon, tila normal na at inaantabayanan na ang pagbaha ng pera mula sa mga pulitiko na alam naman nating kinurakot lang nila at siguradong babawiin din kapag sila ay naupo na sa kapangyarihan.

Inaasahan na rin ang pagdanak ng dugo pagdating ng halalan.  Subalit kakaiba ang eleksyong 2007 dahil lalong lumakas ang loob ng mga bayolenteng pulitiko dahil sa umiiral na kultura ng ‘impunity.’ Matatandaang bago ang eleksyon, kabi-kabila ang pagdukot at pagpatay sa mga aktibista at mga mamamahayag sa gitna ng kawalan ng kakayahan at kaseryusohan ng pamahalaang parusahan ang mga salarin.

Tuwing eleksyon din, ang humuhusay at nagiging sopistikado ay hindi ang proseso ng halalan kundi ang mga pamamaraan ng malawakang pandaraya. Halimbawa, bakit hindi naasikaso ang kompyuterisasyon ng pagboto para mas mabilis ang pagbibilang ng mga boto? Dahil ba sagka ito sa operation dagdag-bawas? Dahil ba hindi pa alam kung paano ito mamadyikin?

Ngunit kakaiba pa rin ang eleksyong 2007 dahil hayagan na ang pagkiling ng ilang opisyal sa mga kandidato ng administrasyon. Nandyan si Sec. Raul Gonzales na hayagang nag-alok ng pera sa mga lokal na opisyal ng Iloilo kapag nanalo sa kanilang lugar ang mga pambato ng Team Unity. Ang COMELEC mismo na tila sinadyang patagalin at palabuin ang kanilang desisyon sa petisyon ng oposisyong si Alan Peter Cayetano na idiskwalipika ang nuisance candidate na si Joselito “Peter” Cayetano.

Ganito sila kadesperado dahil napakaimportante ng eleksyong 2007 para sa mga kasalukuyang umuokupa sa Malakanyang. Kailangang manalo ng mga kandidato ng administrasyon upang mabura ang bahid ng pagdududa at maresolba ang krisis sa legitimacy ng pamumuno ni Gloria Arroyo hatid ng kontrobersyang ‘Hello Garci’.

Kaya nakakatakot ang maaari pa nilang gawin sa aktwal na halalan at bilangan ng mga boto. Kayang-kaya nilang manipulahin ang resulta ng eleksyon dahil kontrolado nila ang makinarya at rekurso ng gobyerno at nasa kanilang panig ang kapulisan at sandatahang lakas ng bansa.

Ang kawawang si Juan dela Cruz, oo nga’t nakakaboto tuwing may halalan pero ang tanong, ang pinili nga ba niyang mga lider ang napoproklama at nalalagay sa katungkulan?

Masakit mang tanggapin, isang katotohanang tuwing may eleksyon sa Pilipinas, tumitingkad sa mata ng daigdig ang hikahos na kalagayan ng ating mamamayan at ang kanilang kawalan ng tunay na pampulitikang kapangyarihan.

In this issue:

Download the Human Rights Forum January – March 2007.

Boses ng mamamayan

BAGAMA’T may ilang positibong senyales ang eleksyon noong Mayo, tulad ng pagkapanalo ni Fr. Ed Panlilio laban sa mga Lapid at Pineda sa Pampanga at pagkatalo ng karamihan sa mga artistang tumakbo sa pulitika, masasabing namayani pa rin ang tradisyunal na pulitika ng karahasan, bilihan ng boto, at dayaan nitong nakaraang halalan.

Katunayan, nagkaroon ng bagong ‘Garci’ sa katauhan ni Lintang Bedol, opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) sa Maguindanao kung saan nanalo ng 12-0 ang mga kandidatong senador ng Malakanyang. Subalit may mga gurong lumantad at umaming pinuwersa silang sulatan ng mga pangalan ng mga kandidato ng Team Unity (TU) ang mga balota. Hindi rin  maipaliwanag ni Bedol kung bakit nawala sa ilalim ng kanyang pangangalaga ang mga election returns ng mga bayan sa Maguindanao.

Sa kabuuang karera para sa pagka-senador, nanalo pa rin ang oposisyon sapagkat pito mula sa kanilang tiket ang pinalad kontra sa tatlo ng administrasyon ngunit naging mapagpasya ang boto ng Maguindanao para makuha ni Miguel Zubiri ng TU ang ika-12 pwesto sa Senado.

Isa pang hindi pinaligtas ng mga trapo at ng Malakanyang ay ang eleksyong party-list na isang mekanismo sana para mabigyan ng boses ang mga maralita at mga ‘marginalized’ na sektor tulad ng mga kababaihan, katandaan, kabataan, magsasaka, manggagawa, may kapansanan, at iba pa.

Sa halalang 2007 kapansin-pansin ang pagdami ng mga grupong party-list na gustong makakuha ng pwesto sa Kongreso. Kung noong 2004 ay 64 lamang ang pinayagan ng COMELEC, ngayong taon ay biglang naging mabait ito at inaprubahan ang 93 na nagpalista bilang grupong party-list.

Sa mga tumakbong grupong party-list, tinatayang aabot sa 20 ang may suporta ng Malakanyang at idagdag pa rito ang mga partidong malapit na iniuugnay sa mga relihiyon, negosyante, at mga tradisyunal na pulitiko (trapo). Maging ang berdugong heneral na si Jovito Palparan ay naghabol makapasok sa Kongreso sa pamamagitan ng sistemang party- list nang siya ang hiranging kinatawan ng grupong Bantay o ‘The True Marcos Loyalist (for God, Country and People) Association of the Philippines, Inc.’

Sineryoso ng mga trapo at mga relihiyosong sektor ang eleksyong party-list sapagkat nakitang di-hamak na mas mura itong susi sa pagupo sa Kongreso kaysa sa regular na halalan para sa pagka-kinatawan ng distrito.

Naging aktibo naman ang Malakanyang at militar sa halalang ito upang lalong palakasin ang kontrol ng administrasyon sa Mababang Kapulungan at matiyak na walang proseso ng impeachment laban sa pangulo ang magtatagumpay. Isa pa, layunin din ng militar batay sa planong counter-insurgency nito na pilayin ang mga pampulitika at elektoral na grupong diumano’y sumusuporta sa mga rebeldeng komunista.

Kaya naman hindi kataka-takang nabawasan ang mga progresibong partidong nakakuha ng kinakailangang 2 porsyento ng kabuuang boto para sa party-list para makakuha ng isang pwesto sa Kongreso. Ang mga kilala nang grupong party-list na Akbayan, Bayan Muna, Anakpawis, at iba pa ay nawalan ng isa hanggang dalawang upuan sa Kamara.

Bukod sa pagsasamantala ng mga trapo sa sistemang party-list, lalo ring sumikip ang mekanismong ito nang ipatupad ng Korte Suprema ang ‘Panganiban Formula’ kung saan tanging ang may pinakamataas na boto sa halalang party-list ang pwedeng makakuha ng maksimum na tatlong pwesto.

Sa ganitong kalagayan, nawalan na ng saysay ang diwa ng batas sa party-list, ang pagpapalapad sa espasyo para sa aktibo at makabuluhang pakikilahok ng mamamayan sa pagpapatakbo ng pamahalaan at pagbuo ng mga mahahalagang polisiya.

Isa na naman itong patunay na hindi na sapat ang umiiral na pampulitikang sistema ng representasyon sa bansa upang maisabuhay ng sambayanang Pilipino ang karapatan nitong maitakda ang tatahaking landas ng pag-unlad.

In this issue:

Download the Human Rights Forum April – June 2007.

Korapsyon

Noong panahon ni FVR, ilan sa mga nabunyag na kwento ng katiwalian ay ang PEA-Amari, kontrata sa mga independent power producers, at Expo Filipino.

Kay Erap, payola sa jueteng, Boracay Mansion, at mga pandaraya sa stock market.

Syempre hindi rin pahuhuli si Ate Glo. Nandyan ang overpriced na Diosdado Macapagal Boulevard, ang misteryosong bank account ni Jose Pidal, fertilizer scam, at ang kontrobersyal na ZTE national broadband network deal.

Mula sa antas ng Presidente hanggang sa mga lokal na opisyal sa barangay, tila naging bahagi na ng pampulitikang kultura ng mga Pinoy ang korapsyon.  Masyado na tayong nabantad dito at itinuturing na ngayong ‘normal’ ang pag-kickback ng mga pulitiko sa pondo ng mga pagawaing bayan.  Ang tawag nga ng mga contractors sa porsyento ng mga mambabatas, lokal na opisyal, at mga kawani ng pamahalaan sa budget ng mga pampublikong proyekto ay ‘SOP’ o standard operating procedure.

Maganda na sanang senyales ang hatol na ‘guilty’ ng Sandiganbayan kay dating pangulong Estrada sa kasong pandarambong (‘plunder’), sapagkat sa unang pagkakataon ay may mataas na opisyal ng pamahalaang naparusahan.  Ngunit ilang linggo lamang ang lumipas at muling namayani ang laro ng pulitika at binigyan ng ‘pardon’ ni GMA ang na-convict na dating lider ng bansa.  Ganun na lang ‘yun?

Sa ZTE naman, bagama’t ibinunyag ni dating kalihim Romulo Neri ang tangkang panunuhol ni dating Commission on Elections chairperson Benjamin Abalos, tumikom ang bibig nito at nagtago sa saya ng ‘executive privilege’ nang maungkat ang posibleng papel ni Pangulong Arroyo sa iskandalong ito.

Ang pinakahuling pumutok na insidente ng suhulan ay mismong sa Malakanyang pa naganap at nakuha pa sa video ang mga mambabatas at mga lokal na opisyal na lumalabas sa palasyo at tila mga batang may bitbit na mga ‘regalo.’  Ang mali lang ng mga namigay ng suhol, pati si Fr. Ed Panlilio na gobernador ng Pampanga ay inabutan nila at ito ang siyang nagbunyag sa nangyaring pamimigay ng pera matapos makipagpulong ng pangulo sa mga nasabing opisyal.

Sobra na nga sigurong nasanay sa ganitong kalakaran ang mga nasa pamahalaan at wala na silang nakikitang mali rito kahit na ang perang ipinamumudmod upang makuha ang katapatan ng mga opisyal na ito ay galing sa kaban ng bayan.

Bukod sa dapat nilang tandaan na ang panunuhol at katiwalian ay nanatiling krimen sa ilalim ng ating mga batas, dapat din nilang isipin na sa bawat pisong napupunta sa kanilang bulsa ay may napagkakaitang mga indibidwal ng kanilang mga karapatan.

Ang dapat sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan ay pansamantalang patirahin sa mga lugar na napakahirap puntahan dahil sa kawalan ng maayos na kalsada at hindi rin naaabot ng serbisyo ng kuryente at komunikasyon.  O kaya ay isang linggo silang makipamuhay sa mga pamilyang nakatira sa ilalim ng mga tulay o kaya ay sa mga kariton para maramdaman nila ang dinaranas ng mga Pilipinong wala na ngang sapat na kabuhayan ay hindi pa nakakatanggap ng mga serbisyong panlipunan mula sa pamahalaan.

Sa ganito ring paraan, maiintindihan nilang ang pangungurakot ay hindi lang pala krimen kundi paglabag na rin sa karapatang pantao ng mga mamamayan.

In this issue:

Download the Human Rights Forum July-September 2007.

Karapatan sa Impormasyon

HALIGI NG buhay na demokrasya ang malayang pagkuha at pagpapaalam sa mga mamamayan ng mga impormasyon hinggil sa mga pampublikong usapin.

Una, napakahalaga ng mga impormasyon at kaalaman upang magkaroon ng ‘check and balance’  sa pagitan ng mga sangay ng pamahalaan at upang mabantayan din ng publiko at ng midya ang posibleng pag-abuso sa kapangyarihan ng mga nasa pwesto.

Kaya hindi rin naman kataka-takang ‘pag may nahihigingang anomalya ang mga tao, unang tinitiyak ng mga tiwaling opisyal na walang mahahalagang impormasyong makakalabas sa publiko sa pamamagitan ng midya.

Marami na namang ganitong mga kaganapan sapagkat sangkatutak na ring iskandalo ang nasiwalat sa publiko pero hindi naresolba at wala namang naparusahan.  Pero sa ngayon, kitang-kita ang pagbusal na ito sa katotohanan sa kaso ng NBN-ZTE overpricing scandal.

Sa ginawang pagdukot kay ZTE star witness Rodolfo ‘Jun’ Lozada upang mahadlangan ang pagharap niya sa Senado, nakita ng sambayanang Pilipino ang pangil ng Estado at kung hanggang saan ang pwede nitong gawin mapigilan lamang ang paglabas ng baho ng Malakanyang.

Sa kabilang banda, nabunyag din sa pagtestigo ni Lozada ang nakakabahalang paniniktik at pagsagap sa mga komunikasyon ng mga ‘kaaway ng Estado’ na sa totoo lang ay iyong mga taong kritikal sa nakaupong pangulo.

Kaya rin naman dapat ituring na isang tagumpay ng mga nagtatanggol sa karapatang pantao ang pagpapalabas ng Korte Suprema ng writ of habeas data kung saan pwedeng magpetisyon ang mga indibidwal laban sa ilegal na paraan ng pangongolekta ng impormasyon at maling paggamit nito.

Pangalawa, importante ring magkaroon ng kaalaman ang mga mamamayan hinggil sa mga bagay-bagay sa gobyerno sapagkat kung wala ito, hindi pwedeng magkaroon ng makabuluhan at aktibong partisipasyon ang taumbayan sa pamamahala sa pambansa at lokal na lebel.

Hindi maaaring magtagumpay ang mga proyekto at programa ng pamahalaan sa pagkuha ng suporta ng taumbayan kung hindi sila nabigyan ng impormasyon at lubusang nakonsulta hinggil sa mga inisyatibang ito.

Hindi rin magkakaroon ng matalinong mga desisyon ang mga mamamayan sa mga panahon ng eleksyon, plebisito, at iba pang mga uri ng konsultasyon kung hindi ipinapakita ng ating mga opisyal ang kabuuang larawan at kalagayan ng mga pampublikong usapin.

Sa makabagong panahong ating kinalalagyan, napakadali nang magpaabot ng mga kinakailangang kaalaman upang magkaroon ng malusog na ugnayan ang mga mamamayan at ang pamahalaan.

Ngunit taliwas ito sa kalakaran sa Pilipinas. Madalas nakatago ang katotohanan at kung may maglalakas-loob na ibunyag ito tulad ni Lozada, pilit naman itong babaluktutin at tatabunan ng mga nasa kapangyarihan.

In this issue:

Download the Human Rights Forum October – December 2007.

Leave a Comment Using Facebook
By | 2017-07-24T03:21:21+00:00 November 26th, 2009|2007|0 Comments