HUMAN RIGHTS FORUM December 2008

Karapatan sa Paggawa sa Gitna ng Krisis Pang-ekonomiya

SIMULA NOONG Oktubre 2008, mahigit limang libong overseas Filipino workers (OFWs) na ang natanggal sa trabaho at pinauwi sa Pilipinas, karamihan galing sa Taiwan, dulot ng lalo pang tumitinding pandaigdigang krisis pang-ekonomiya.

Halos lahat ng ekonomiya ngayon, mayaman o mahirap na bansa, ay apektado ng mababang ‘demand’ o ‘consumption’ na humahantong sa pagsasara ng mga pabrika o kaya ay maramihang pagbabawas ng mga manggagawa.

Sa ating bansa, tinatayang aabot sa 11 milyong trabahador ang bilang ng mga walang trabaho sa taong 2009.  Ibig sabihin, labing-isang milyong pamilya rin ang malamang na magutom at malagay sa alanganin ang pag-aaral ng mga anak.

Sa sitwasyong ito, mahirap lang intindihin na ang pangunahing tugon pa rin ng gobyerno ay mas pinaigting na pagpapadala ng mga trabahador sa ibang bansa.

Nitong ika-4 ng Disyembre, 2008, pinirmahan ni Pangulong Gloria Arroyo ang Administrative Order (AO) 247 na nag-uutos sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na maging agresibo sa paghahanap ng ‘market’ sa ibang bansa para sa mga Pilipinong manggagawa.

Sa madaling salita, pagbebenta ng lakas paggawa pa rin ang solusyon para makaalpas sa krisis at mabigyan ng hanap-buhay ang milyun-milyong Pilipino.  Ngunit ano ang kapalit nito?

Una, matagal nang sinasabi ng mga samahan ng mga migrante na ang pakikipagsapalaran ng mga trabahador sa ibang bansa bunga ng kawalan ng maayos na lokal na hanap-buhay ay isa nang paglabag sa karapatan sa paggawa ng mga Pilipino.

Sabi nga ng Center for Migrant Advocacy (CMA), magiging katanggap-tanggap lamang ang pagtatrabaho sa ibang bansa kung ito ay isang opsyon na lamang at hindi pagkapit sa patalim ng isang manggagawa upang mapakain at mapag-aral lamang ang mga anak.

Hindi kayang isulat sa ispasyong ito ang walang katapusang kwento ng mga pang-aabusong naranasan at mararanasan pa ng mga OFWs at mga istorya ng pagkasira ng mga pamilya bunsod ng mahabang panahong pagkakahiwalay.

Pangalawa, binanggit na rin ng International Labor Organization (ILO) na sa panahong ito ng krisis, ang unang masasakripisyo at makakaranas ng papasamang kondisyon sa paggawa ay mga migranteng manggagawa.  Bagama’t hindi dapat, madalas na mga dayuhang trabahador ang unang pinauuwi kapag nagkakagipitan o di kaya ay naaabuso kapag kailangang magtipid ng mga kapitalista.

Nang pirmahan ni Pangulong Arroyo ang AO 247, sinabi nyang ang krisis pang-ekonomiya ay nangangailangan ng ‘out of the box’ o di-pangkaraniwang solusyon, ngunit ano ang bago rito? Ilang dekada na rin nating isinasakripisyo ang ating lakas paggawa bunga ng kawalan ng kakayahan ng pamahalaang lumikha ng sapat at makatarungang hanap-buhay sa bansa.

Ang masaklap pa, ilang dekada na rin natin silang tila ipinapain sa mga pating dahil patuloy natin silang pinapalabas ng bansa sa kabila ng kakulangan ng kakayahan ng ating gobyernong proteksyunan sila laban sa mga pang-aabuso at paglabag sa kanilang mga karapatan.

In this issue:

Download the Human Rights Forum December 2008.

By | 2017-07-24T03:21:21+00:00 April 14th, 2010|2008, Human Rights Forum|0 Comments

Leave A Comment


*