IT’S RAINING COINS: A QUICK LOOK AT THE 4PS

Maitatawid nga ba?

Ito ang malaking katanungang hinaharap ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (o 4 Ps), ang programa ng pamahalaan na layuning pababain ang bilang ng mga mahihirap sa pamamagitan ng pagbibigay ng salaping makakatulong upang matugunan ang ilang pangangailangan. Ang layon ay mamuhunan sa tinatawag na ‘human capital’, na ang pangunahing tutok ay mapabuti ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon, partikular ng mga kabataang miyembro ng pamilya na nasa edad 0-14.

Kapalit ng ayuda, ang mga pamilyang tatanggap ng salapi ay may mga dapat tuparin. Kabilang dito ang regular na pagpapa-check-up at bakuna para sa mga batang edad 0-5; pagpasok sa day-care o pre-school ng mga batang edad 3-5; pagpasok sa paaralan ng mga batang edad 6-14 ; deworming ng mga batang edad 6-14; pagdalo ng mga magulang sa mga responsible parenthood na pagpupulong; pre- at post-natal care para sa mga nanay.

Ang konsepto ng programang ito ay kinopya sa diumano’y matagumpay na programang conditional cash transfer (CCT) na ipinatupad ng ilang bansa sa Katimugang Amerika at Aprika. Sinimulan ito noong administrasyon ni Gloria Arroyo at ngayo’y ipinagpatuloy at pinalawak pa ng administrasyong Aquino. Nang simulan ito noong 2008, may 900,000 pamilya ang nakatalang benepisyaryo; nitong 2011, target ng administrasyong Aquino na mabigyan ng salapi ang humigit-kumulang 2.3 milyong pamilya.

Malaking salapi ang gagastusin ng gobyerno para sa programang ito. Para sa 2011, naglaan ng P21.19 bilyon para sa 4 Ps, at kamakailan lamang ay humingi ang Malakanyang ng dagdag na P2.2 bilyon, na siya namang ikinadismaya ng ilang mambabatas na nababahala sa sinasabing kakulangan ng transparency sa pamamahala ng 4 Ps.

Nitong mga nakaraang buwan, marami nang reklamo ng diumano’y katiwaliang nangyayari sa 4 Ps, kabilang na dito ang kwestyonableng pagtukoy ng mga benepisyaryo. May mga balitang sa ilang lugar, nahahaluan ng pulitika ang pagpipili ng mga masasali sa programa.

Hindi lang ang posibleng korapsyon ang nakakabahala dito sa programang ito. Sa pananaw ng ilang ekonomista at mga NGO, hindi masasagot ng buwanang ayuda ang problema ng paghihikahos ng milyun-milyong pamilya sa Pilipinas, kung walang mga kaakibat na programang sasagot sa pangmatagalang pangangailangan tulad ng sapat at regular na trabaho, lalo na’t ang perang ginugugol sa 4 Ps ay inutang ng gobyerno sa mga internasyunal na institusyong pinansyal, at sa huli’t huli ay utang na papasanin ng buong bayan.

In this issue:

Download the Human Rights Forum June 2011.