Karapatan at Kapansanan: Isang sulyap sa larawan ng kapansanan

Isang sulyap sa larawan ng kapansanan

Sa daigdig:

  • higit na sa 1 bilyon (o 15% ng sangkatauhan) ang kasalukuyang bilang ng taong may kapansanan sa buong mundo1
  • sa mga bansang lumalago, umaabot sa 15-20% ng mga maralita ay may kapansanan2

Sa Pilipinas:

  • 1,442,586bilang ng Pilipinong may kapansanan ayon sa Census 20103
  • 49% sa Pilipinong may kapansanan ay babae4
  • 26% sa Pilipinong may kapansanan ay nabibilang sa edad 0 – 19

  • 3% sa mga kabataang may kapansanan (may edad 7 – 12) ay nag-aaral5
  • nangangalahati lamang ang mga babaeng may kapansanan na nakapag-aral o may trabaho kung ihahambing sa mga lalaking may kapansanan6

KARAPATAN AT KAPANSANAN

Koalisyon ng UNCRPD sa Pilipinas

Disability is not a hindranceAng nakakubling sektor ng Pilipinong may kapansanan

Mahigit nang 60 taon ang nakalipas nang ang Pangdaigdigan Deklarasyon ng Karapatang Pantao ay inilunsad ng United Nations. Subali’t kapag pinag-uusapan ang karapatang pantao, ano ang unang pumapasok sa ating isip? Kadalasan ang nagiging pangunahing pokus lamang ay mga karapatang pulitikal at pangkabuhayan ng nakararami. Hindi man lamang sumasagi sa ating isipan ang halos isa’t kalahating milyon na Pilipino na tumatangis rin para sa karapatan at kalayaan. Sa mga nakaraang dekada, isang katotohanan na kaming mga may kapansanan ay napag-iwanan at nakaligtaan ng lipunan, kahit ng mga nakikibaka para sa karapatan ng mga Pilipino.

Tulad ng mahigit na 7 bilyong mamamayan ng daigdig, ang isang bilyong taong may kapansanan ay kinikilalang may likas na dignidad. Likas din ang aming kakayahang mamuhay at magpasiya nang sarili, at ang pag-aasam na matamasa ang lahat ng batayang kalayaan at karapatan. Dahil sa taglay na dignidad na ito, kaming mga may kapansanan ay di dapat isantabi, iwalay o pagkaitan ng pagkakapantaypantay sa anumang bagay.

2009_ecopark_jay1 007Mga di na angkop na pananaw ng kapansanan

Magmula pa noong sinaunang panahon, ang sinumang may kapansanan ay malimit na ituring na isang sumpa, malaking kamalasan o parusa sa pamilya at pamamahay na kinabibilangan. Sa ilang mga tribo, ang mga sanggol o bata na may kapansanan ay kaagarang pinapatay, tinatalikuran, o iniwawalay sa karamihan. Sa iba, may paniniwalang umiiral na ang kapansanan ay indulhensyang itinalaga ng Maykapal. Subali’t kaming mga nilalang na ganito ay itinuturing na nangangailangan pa rin ng labis na pagkalinga dala ng pagiging iba at di normal.

May tatlong tradisyonal na pananaw ukol sa kapansanan na naging ugat ng ganitong kondisyon. Ang una ay nagmumula sa isang modelo ng pawang pagkawanggawa. Kaya’t dito, kaming mga taong may kapansanan ay tinuturing na likas na mahina, kaawa-awa at nangangailangan ng patuloy na tulong. Ang pangalawa ay nakabase naman sa isang medikal na perspektibo. Kaming mga taong may kapansanan ay pawang maysakit o pinahina ng karamdaman. Kaya’t ayon sa pananaw na ito, ang tanging kinakailangan lamang namin ay ang lunas ayon sa medisina o paggagamot. Ang pangatlo ay ang pananaw ayon sa kakayanan. Dito, ang nakararami ay tinuturing na siyang pamantayan, o normal, at kaming mga may kapansanan ay depektibo, baldado o may kakulangan. Ayon sa pananaw na ito, ang kinakailangan naman namin ay mga kagamitan at gawain na makapapanumbalik sa aming kakayanan, at maging katulad na muli sa nakararami.

Hanggang sa ngayon ang tatlong tradisyonal na pananaw na ito ay siya pa ring nag-uudyok sa pamahalaan sa pagpaplano ng programa at serbisyo para sa mga may kapansanan. Ito na rin ang naging sanhi ng patuloy na pagsasantabi at pagbabale-wala sa aming mga may kapansanan, at pangmalawakang paglalabag ng aming mga karapatan. Maging institusyonal man o indibidwal, ang diskriminasyon na nararanasan namin ay nangangailangan ng panibagong pilosopiya.

photo credit Dennis Rhoneil Balan 4Ang makabagong pananaw ng kapansanan ayon sa UNCRPD

Noong 2008, pinagtibay ng pamahalaan ng Pilipinas, at ng bawa’t sangay at kagawaran nito, ang U.N. Convention on the Rights of Persons with Disabilities, (UNCRPD). Sa kasalukuyan, mahigit kumulang na isang daan at tatlumpu’t tatlong bansa ng United Nations ang nagpatibay ng UNCRPD.

Ayon sa perspektibong karapatang pantao ng UNCRPD, ang kapansanan ay nagmumula sa iba’t ibang uri ng pagkakaiba (hal., pisikal, mental, pangkaisipan, sensoryal, atbp.) na sumasagupa sa mga balakid sa lipunan. Dahil dito, hindi lubusang makasali kaming mga taong may kapansanan sa kabuuan ng lipunan at sa aspeto ng buhay-buhay, maging bilang mga indibidwal o sektor.

Kakaiba sa mga tradisyonal na pananaw, sinasabi sa UNCRPD na ang kapansanan ay di dapat ituring na kasalanan ng indibidwal o pamilya, subali’t isang kakulangan ng lipunan. Sa madali’t salita, kung malalansag ang mga hadlang at sagabal na ito, walang kapansanan, at walang taong may kapansanan.

Dahil sa makabagong pagtingin na ito ng UNCRPD, kaming mga taong may kapansanan ay di dapat kaawaan, matahin, o ibukod. Ang palagiang pagturing sa aming may kapansanan na iba, o special, ay di rin wasto, at tumatawid na sa pagiging diskriminasyon.

Ayon sa UNCRPD ang pagkakaroon ng iba’t-ibang pagkakaiba (hal., mga bingi, bulag, mga taong may awtismo, Down’s Syndrome, kapansanang pakikisalamuha, hindi gumagaling na medikal na kondisyon, mga taong gumagamit ng saklay o wheelchair, atbp.), ay natural na bahagi ng sari-saring habi ng sangkatauhan. Kaya’t sa inaasam na mundo na walang diskriminasyon at pagtangi ayon sa kapansanan, lahat ay normal.

photo credit Dennis Rhoneil Balan 2Mga natatanging konseptong batayan ng UNCRPD

Dahil kung tutuusin, lahat naman tayo ay pare-parehong tao, pero hindi ibig sabihin na tayo ay pantay-pantay na. Ang mga ugali at pali-paligid na siyang mga sanhi ng sagabal at hadlang sa ganap na partisipasyon sa aming mga may kapansanan ay kailangang baguhin at alisin. May ilang pamantayan at prinsipyo ang UNCRPD na hindi matatagpuan sa ibang kasunduan ng UN:

  • Kahulugan ng diskriminasyon ayon sa kapansanan. Isinasaad sa lahat ng kasunduan ng UN ang kahulugan ng diskriminasyon. Dagdag rito ang partikular na diskriminasyon ayon sa kapansanan na maaring lantarang paglalayon, o resulta nang kahit anong paghihigpit o pagbawal sa pagsali, pagsasantabi, o pamumukod sa aming mga taong may kapansanan. Sakop rin dito ang pagtanggi ng reasonable accomodation.
  • Pag-ugnay ng kapansanan sa kasarian at pagkabata. Kinikilala ng UNCRPD na lalo pang mas malubha ang diskriminasyon sa mga babae at batang may kapansanan. Kaya’t may bahagi ng UNCRPD na partikular na tumutukoy sa pagpapalawak ng pagkakataon para sa mga kababaihan at kabataang may kapansanan sa edukasyon, trabaho, at pakikilahok sa iba’t ibang bahagi ng pamumuhay. Mariin ding ipinagsasanggalang sa UNCRPD ang pagpapawi sa lahat ng uri ng pananamantala sa mga ito.
  • Prinsipyo ng Pangkalahatang Pagdibuho o Universal Design. Ayon dito, lahat ng programa, proyekto at gawain, sa simula’t sapul, ay dapat pinaplano at isinasakatuparan na para sa lahat. Hangga’t maari, di na dapat mangailangan pa ng modipikasyon o pagbabago para maging angkop ang mga ito sa lahat ng mga taong may kapansanan.
  • Prinsipyo ng Makatwirang Pag-aangkop o Reasonable Accomodation. Ang makatarungan o makatwirang pag-aayon sa pangangailangan ng indibidwal na taong may kapansanan ay maaring katanggap-tanggap sa isang sitwasyon upang matamo ang nilalayong karapatang pantao.
  • Pangkalahatang Kaparaanang Walang Sagabal o Pangingilala (Accessibility). Ang mga hadlang sa lubusang partisipasyon ay maaring nakapaloob sa mga itinayong pali-paligid, o di kaya’y sa impormasyon o komunikasyon. Lubhang napakahalaga sa mga taong may kapansanan na sila’y tunay na maaring makilahok sa isang sistemang bukas, walang sagabal at di nangingilala. Halimbawa, para sa mga gumagamit ng wheelchair, kailangang may mga rampa o elevator sa mga gusali. Sa mga bulag o low vision, nangangailangan ng dokumento na naka-Braille, o kaya’y may malalaking titik. Sa pakikilahok ng mga bingi, kailangang may interpreter na nagsasalin ng wikang senyas sa lahat ng lugar na kanilang kinaiikutan. Sa mga taong may kapansanang pangkaisipan o pakikisalamuha, nangangailangan na ang impormasyon ay nasa anyong mauunawaan.

Totoong karamihan ng mga pinuno at kawani sa pamahalaan ay di nakikilala ang katotohanan, kabuhayan, pangangailangan at pananaw naming mga may kapansanan. Malinaw na isinasaad sa UNCRPD na ang pag-unawa at tamang pagturing sa amin ay matatamo lamang kung tutuparin ang nasasabi sa Artikulo 4.3 na kaming mga may kapansanan ay dapat malapitang kasangguni at aktibong kabahagi mula sa pagpaplano, pagpapasiya at hanggang sa implementasyon ng kahit anumang gawain.

photo credit Dennis Rhoneil Balan 1

Mga halimbawa ng pangunahing isyu at ipinaglalabang mga karapatan at kalayaan

  • Karapatang mabuhay: Pagtigil ng lubhang pagpapabaya, kung minsa’y abot sa bingit ng kamatayan, lalo na sa mga sanggol at bata dahil sa taglay na kapansanan.
  • Karapatan sa pagkakapantay-pantay na pagkilala sa kakayahang magpasiya alinsunod sa batas: Malimit na natatanggalan ng karapatang magpasiya (lalo na ang mga may kapansanan sa pangkaisipan o pakikisalamuha) na makapili o magdesisyon nang sarili. Naililipat ng buo sa mga inatasang mag-ingat sa kanila ang kakayanang magpasiya, kaya’t sila mismo ay nawawalan ng kapangyarihan sa kanilang sariling pamumuhay. Isang katotohanan na may mga bahagi ng batas ng Pilipinas, hal. ang Civil Code na siya mismong nagdadala ng diskriminasyon laban sa mga bingi, at may kapansanan sa isip at pakikisalamuha.
  • Mga kaparaanan sa sistemang pangkatarungan: Ang lahat ng mga gusali at pasilidad, dokumento, atas at pamamalakad ng lahat ng korte at takbo ng paglilitis ay dapat walang hadlang sa lahat ng may kapansanan. Kasama rito ang mga rampa para sa mga nakawheelchair, at mga interpreter ng wikang senyas para sa mga bingi.
  • Kalayaan at seguridad ng pagkatao: Aang matinding paglabag ng karapatang mamuhay ng malaya ay nakikita sa libu-libong mga may kapansanan na nakakulong sa iba’t ibang uri ng pampublikong pagamutan, bahay kanlungan, piitan, atbp. Marami ring kasingtulad ang makikita sa mga pribadong pasilidad at pati na rin sa mga tahanan.
  • Proteksiyon sa lahat ng uri ng karahasan, pananamantala at masidhing pahirap, lalung-lalo na sa mga kababaihan at batang may kapansanan: Kabilang rito ang maraming kaso ng panggagahasa sa mga babae at bata; pang-aabuso tulad ng pagtatali, pagkakadena at pagkukulong. Hanggang sa ngayon walang programa ang pamahalaan na malawakang nagsisiyasat ng ugat ng ganitong mga suliranin, at nagpapatupad ng matibay na mga solusyon.
  • Pagtaguyod ng ganap na pangangatawan at pag-iisip: Ang sapilitang pagtanggap ng gamot at kaparaanang paggamot (hal., electric convulsive therapy o electric shock treatment) ay kalimitan pinagpapasiyahan lamang ng mga doktor at inatasang taga-ingat sa mga taong my kapansanan sa pangkaisipan o pakikisalamuha.
  • Karapatang makagalaw sa kalsada at lansangan upang makaabot sa lahat ng lugar: Hindi makagamit ng pampublikong transportasyon ang mga Pilipinong may kapansanan, maging sa mga siyudad o probinsiya dahil sa mga balakid sa paggalaw at malayang pagkilos. Kadalasan ang maari lang sakyan ay ang mga taksi sa siyudad na lubhang napakamahal naman.
  • Ang mapabilang at makasali sa lahat ng proyekto, programa at araw-araw na pamumuhay sa komunidad na katulad ng mga kasama, kapitbahay at kanayon.
  • Paggalang sa pansariling pamumuhay kasama na ang pagpapasiya ukol sa pag-aasawa, panganganak, pagpapalaki ng mga anak, at iba pang bagay ukol sa pamilya.
  • Karapatang makapag-aral sa lahat ng antas ng pampublikong edukasyon: Kinakailangang malawakang lutasin ang problema ng Special Education na palagiang ibinubukod ang mga batang may kapansanan sa ibang mga bata. Hanggang sa ngayon ay nakakaabot lamang sa napakaliit na porsyento ng mga batang may kapansanan ang pagkakataong makapag-aral sa pampublikong paaralaan.
  • Karapatang pangkalusugan: Ang kasalukuyang health insurance na pinakikinabangan lamang ng mga may trabaho ay di nakapagbibigay ng suporta sa karamihan ng mga Pilipinong may kapansanan.
  • Karapatan sa panlipunang proteksiyon: Ang malawakang benepisyo lamang mula sa pamahalaan na tahasang makakapakinabang ang isang may kapansanan ay ang 20% na diskuwento. Subali’t ang kahit anumang diskuwento ay walang tunay na naidudulot sa isang maralita na wala man lamang kahit kaunting salapi para makasakay sa pampublikong transportasyon, makapamili, makapagpagamot, o makapaglibang.
  • Karapatan sa trabaho at paghahanapbuhay: Patung-patong na diskriminasyon dala ng mga ugaling nagmamata sa mga may kapansanan, mga gusaling walang rampa, elevator, o angkop na mga palikuran, mga balakid sa komunikasyon, mas mababang sahod sa karamihan, atbp. na nadadagdagan pa ng gastos dahil sa di magamit na pampublikong transportasyon at media. Ang mga programang pangrehabilitasyon ay di pa sapat at matatag upang maasahan sa pangmatagalan at malawakang pagbibigay ng hanapbuhay.
  • Pakikilahok sa pulitika: Hanggang sa huling eleksiyon, di pa rin makaboto ang ibang may kapansanan na katulad ng ibang Pilipino; sa nakaraang SONA ng Pangulo, hinangaan ang determinasyon ng isang may kapansanan na gumapang na paakyat sa prisintong kanyang pagbobotohan. Hindi ba man lamang napuna na kinailangan pang pahirapan at gumapang ang isang tao para lamang maisagawa ang sarili niyang karapatan sa paghahalal? Dito napatutunayan ang lawak ng puwang na naghihiwalay ng pananaw ng pamahalaan, at ng mga taong may kapansanan.
  • Karapatan sa sariling wika at kultura: Isang malinaw na halimbawa ay ang pagsasalungat ng DepEd sa paggamit ng Wikang Senyas ng mga Filipino (FSL), at bagkus ang pagsasagawa ng pambansang seminar na nagpapalaganap ng artipisyal na sistema ng pagsesenyas sa mga guro sa mga pampublikong paaralan. Bagama’t nanaliksik na at naglabas ng mga publikasyon ang mga Bingi sa linggwistika ng FSL, hindi kinikilala ito ng sangay ng Special Education, at tinatalikuran ang sariling patakaran sa paggamit ng FSL.

Kahit totoong napakaraming suliranin na nangangailangang harapin sa sektor naming may kapansanan, hinding-hindi kami bibitiw. Patuloy naming aangkinin at ipaglalaban ang aming mga likas na karapatan, kalayaan, at puwesto sa lipunan. Taimtim naming ninanais na balang araw matatanggap rin kami bilang mga nilalang na bahagi ng nagbibigay-tingkad at yaman sa buong sangkatauhan.

*Sa taong 2013, ang Koalisyon para sa UNCRPD sa Pilipinas ay magpapadala na ng ulat sa UNCRPD International Committee na halaw sa mga katugunan at karanasan ng mga Pilipinong may kapansanan ukol sa pagpapatupad ng pamahalaan ng UNCRPD. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nakakapagsumite ang pamahalaan ng kanyang State Report na naaantala na mula pa nung 2010.

———————————–

Maaaring kontakin ang Koalisyon ng UNCRPD sa Pilipinas sa philcoalitioncrpd@gmail.com

1http://www.who.int/disabilities/world_report/2011/en/index.html

2http://siteresources.worldbank.org/DISABILITY/Resources/280658-1172608138489/WBPovertyAssessments.pdf

3http://www.census.gov.ph

4National Statistics Office. Census 2010.

5Department of Education. Special Education.

6http://www.pids.gov.ph/dp.php?id=5037&pubyear=2011

Leave a Comment Using Facebook
By | 2017-07-24T03:20:48+00:00 September 21st, 2014|Persons with Disabilities, Philrights News, What's New|0 Comments