Pahayag ng Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA) Hinggil sa Pagkaltas ng Pondo ng NFA

Palakasin ang suporta sa maliliit na magsasaka
Repormahin ang NFA; tiyakin ang soberenya sa pagkain

Pagkaltas ng P8B badyet ng NFA, pagtalikod sa obligasyon sa magsasaka.

Nababahala ang mga maliliit na magsasaka sa balitang pagkaltas ng Department of Budget and Management (DBM) ng P 8 Bilyong pondo ng National Food Authority (NFA). Ang nasabing P8 B ay pondong nakalaan para ipambili ng palay na nililikha nang lokal na magsasaka sa ating bansa. Ayon sa DBM at Department of Finance (DoF), binawasan nito ang badyet ng NFA dahil sa lumalaking pagkalugi sa operasyon ng NFA at hindi naman epektibong paggamit nito .

Ang ganitong batayan ng DBM at DoF sa pagkaltas ay salungat sa interes nang pagpapaunlad sa industriya ng bigas at agrikultura lalu’t higit sa milyong maliliit na magsasaka nabubuhay sa industrisyang ito. Ang pag-aalis ng P8 B subsidyo sa pagbili ng palay ay nangangahulugan ng pagtalikod ng gobyerno sa mahigit 4 M maliliit na magsasaka sa palayan na siyang magpakakaitan ng direktang tulong at suporta mula sa gobyerno.

Walang batayan ang akusasyon na ang price support subsidy ng NFA ay nakasisira ng presyo sa pamilihan. Dahil wala pang sa 5% ng kabuuang palay na nililikha ng bansa ang kayang bilhin ng kakapiranggot na subsidyong nais pangkaltasin sa kasalukuyan.

Kung may nagagawa mang “distorsyon” ang nasabing papel ng NFA sa pagtatakda ng presyo ng lokal na palay , ito ay walang iba kundi ang pigilan ang pambabarat ng mga traders at kapitalista sa mga magsasaka na napipigilan lamang ng itinatakdang support price ng NFA na nagsisilbing floor price ng palay sa lokal na pamilihan.

Noong inagurasyon ni Pnoy ipinangako nya na patataasin ang kita ng mga magsasaka at aalisin nito ang panggitnang negosyanteng nagsasamantala sa mga magsasaka. Ngunit bakit ang inalis ngayon ay ang pondong ginagamit upang tulungan ang maliliit?

Baluktok ang balakin ng DBM at DoF na tinitingnan sa lente ng negosyo ang NFA. Ang ahensyang ito ay itinayo para magserbisyo at hindi magnegosyo. Ang pangunahing tungkulin nito ay tiyaking istable ang suplay ng bigas at presyo nito sa pamilihan. Hindi ito itinayo upang magkamal ng kita. Ito’y itinayo upang arugain ang magsasaka sa palayan at tiyaking abot-kaya ang bigas sa pamilihan.

Inaalis ng gobyerno ang subsidyo sa mga lokal na magsasaka sa palayan pero bukas naman itong bigyan ng insentibo ang mga negosyante upang tanganan hindi lamang ang pagtatakda ng presyo sa lokal na pamilihan kundi maging ang pag-aangkat ng imported na bigas.

Nasaan ngayon ang pagkallinga sa mga magsasaka ni Pnoy?

Pagkaltas sa badyet ng NFA, parusa sa magsasaka.

Bagama’t naniniwala kaming dapat repormahin ang institusyon ng NFA dahil na rin sa pamumugad dito ng mga ahente ng mga negosyante sa bigas at mga buwitreng nagsasamantala sa importasyon. Mali na ang maliliit na magsasaka ang parurusahan sa kahinaan ng NFA.

Hindi ang magsasaka ang lumilkha ng korapsyon at kahinaan pero ang magsasaka ang pinaparusahan ng gobyerno. Ang pag-alis ng subsidy ay nangangahulugan ng paghahain nito sa mga magsasaka sa altar ng walang habas na pagsasamantala ng mga negosyante sa palay at bigas. Mangangahulugan ito ng sona libreng pambabarat sa halaga ng palay sa kanayunan at pagbebenta nang mahal na bigas sa maralita. Kapwa magsasaka at maralita ang paparusahan ng ganitong plano’t programa ng gobyerno.

Hindi dapat parusa kundi dagdag na ayuda ang ibigay ni Pnoy sa mga magsasaka.

Ang dapat ay itaas ang pondong pambili ng palay sa halip na kaltasin ito. Ang dapat palakihin ang subsidyo at itaas nang 10% nang kabuuang ani ng bansa ang bilhin ng gobyerno sa mga maliliit na magsasaka at hindi ang pagbibigay sa industriyang sa mga negosyante’t trader. Dapat ay palakasin ang industriya ng bigas sa pamamagitan ng paglalaan hindi lamang ng subsidyo sa pagbili ng palay kundi maging sa mga gastusin sa paglikha nito at hindi sa paglalaan ng mas malaking pondo sa pag-aangkat ng bigas.

Palakihin ang pondo sa serbisyo, hindi sa pambayad utang

Hindi dapat gawing hostage ang mamamayan sa usaping ito. Hindi dapat papiliin ang mamamayan sa usaping ng subsidyo sa magsasaka o subsidyo sa maralita sa anyo ng Rice Support. Kapwa mahalaga ang dalawa kung tunay nitong nais maibsan ang Kahirapan at Kagutuman sa atin bansa.

Baluktot ang plano ng DBM at DoF na bawasan ang pondong para sa magsasaka para may idagdag na pondong kailangan ng DSWD para sa kanyang Hunger Mitigation Program. Saan bibili ng murang bigas ang DSWD kung walang bibilhin ang NFA sa magsasaka? Imported na bigas?

Kapwa maralita ang mga magsasaka sa palayan at mga nasa komunidad na nais bigyan ng DSWD. Pero sa planong ng gobyerno isasakripisyo ang kinabukasan ng mga magsasaka para sa interes ng maralita.

Baluktot ang konsepto nang sakripisyo sa planong ito! Kung tunay na kulang ang pondo para sa serbisyo sa mamamayan ang dapat isakripisyo ay pagbabayad ng utang na kalakhan ay hindi naman napakinabangan ng mamamayan. Kung mayroon mang dapat bawasan ay hindi ang subsidyo sa magsasaka o kaya’y maralita na pawang maliit kung ikukumpara sa taunang ibinabayad natin sa utang. Dito dapat magkaltas hindi sa kakapirangot na suporta sa mamamayan.

Tunay na solusyon sa kahirapan ng magsasaka at maralita

Ang panukalang badyet ay repleksyon lamang ng pangekonomyang patakarang nais ipatupad ng gobyerno ni Pnoy. Isinasalarawan nito ang diin at nais tugunan ng gobyerno.

Sa kasalukuyang hakbang ng gobyerno ni Pnoy , lumalabas na ang diin nito ay hindi ang tulungan ang maliliit bagkus ang nais nitong ayudahan ay ang mga negosyante at kapitalista sa agrikultura.

Ang kasalukuyang usapin sa badyet ay panimulang hakbang lamang upang maisakatuparan ang direksyon nitong isapribado ang NFA at hayaan sa batas ng pamilihan ang presyo at suplay ng bigas sa ating bansa. Ito ang tunay na nasa likod ng balaking ito ng gobyerno.

Ang mismong Road Map nito sa NFA ay nasa direksyon alisan ng papel ang ahensya sa pagbili ng palay at pagtatakda ng presyo ng palay at bigas sa bansa. Ang pagbibigay din ng kapangyarihan sa pribadong sektor sa pag-aangkat ay malinaw ding pagsuko ng gobyerno sa sentral na papel nito sa industriyang. Sa kalagayang malakas ang kartel sa industriya ng bigas ang pagbitaw ng gobyerno sa NFA ay mangangahulugan nang lubusang pagkontrol ng mga kapitalista’t trader sa pangunahing pagkain ng bansa . Walang patunay na mas bababa ang presyo ng bigas sa kamay ng mga kapitalista. Wala pang naisapribadong industriya na bumaba ang presyo ng kanyang serbisyo o kalakal.

Hindi solusyon ang pribatisasyon ng NFA sa kasalukuyang problema ng mataas na presyo ng palay at bigas sa bansa. Ang tunay na solusyon ay nasa mahigpit na suporta at pagkalinga sa industriya tulad ng ginagawa ng mga bansang Thailand, Vietnam at Japan sa kanilang industriya ng bigasan.

Hindi rin Cash Transfer at Rice Support ang tunay na solusyon sa kahirapan. Ang tunay na solusyon ay ang pagbabago sa pangkalahatang pangekonomyang sistema na nakasandal sa Liberalisasyon ng ekonomya, Pribatisasyon ng mga institusyong panserbisyo at Deregulasyon ng mga tungkulin ng estado sa kanyang mamamayan.

Hangga’t hindi ito nababago, walang tunay na pag-unlad at ginhawa ang mamamayang Pilipino.

TUTULAN ang P 8B BUDGET CUT ng NFA
ITAAS ng 10% ang BINIBILING PALAY sa MAGSASAKA
REPORMAHIN ang NFA, PALAKASIN ang BOSES ng MAGSASAKA sa NFA!
BAWASAN ang PAMBAYAD UTANG
ITIGIL ang WALANG HABAS na IMPORTASYON ng BIGAS

——————————————————————————————————————————————

Aniban  ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA)

MAKABAYAN-PILIPINAS

——————————————————————————————————————————————

Leave a Comment Using Facebook
By | 2017-07-24T03:21:20+00:00 April 27th, 2011|Publications|1 Comment