Ng Freedom from Debt Coalition

KAPAG NAPAG-UUSAPAN ang tungkol sa karapatang pantao, kadalasan ay nababanggit lamang ang tungkol sa karapatang pampulitika at sibil. Dapat nating malaman na ang karapatang pantao ay hindi lamang pumapatungkol sa mga karapatang pampulitika at sibil.

Ang pang-ekonomya at panlipunang karapatang pantao

Nakapaloob ang mga pang-ekonomya at panlipunang karapatan sa mga karapatang kinikilala ng Universal Declaration on Human Rights (UDHR) na ipinasa ng United Nations (UN) noong 1948, partikular sa Artikulo Blg. 22-26.

Kinikilala rin ng UN ang pagkakakawing ng mga karapatang pantao. Isinasaad halimbawa ng UDHR na ang mga mamamayan ng isang bansa ay makakamit lamang ang mga karapatang sibil at pampulitika, at ang kalayaan mula sa takot at kasalatan, kung tinatamasa nila ang mga karapatang pang-ekonomya, panlipunan at pangkultura. Kung ang mga mamamayan ay walang kabuhayan at nagugutom, hindi nila maisasakatuparan ang kanilang mga karapatang sibil at pampulitika. Ito ang argumentong kilala bilang “full belly thesis”.

Lalo pang pinatampok ng UN ang mga karapatang pang-ekonomya, panlipunan at pangkultura sa ilalim ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR) na inilabas ng UN noong 1966. Kabilang sa mga karapatang ito ang karapatan sa paggawa, karapatan sa edukasyon, karapatan sa kalusugan, karapatan sa sapat na tirahan, karapatan sa pagkain at karapatan sa tubig. Maituturing ding mga karapatan ang iba pang batayang serbisyo na kinakailangan ng mga mamamayan para matamasa nila ang mga nabanggit na karapatang ito.

Isinasaad din sa mga dokumentong ito ng United Nations ang pangunahing tungkulin ng estado na igalang, protektahan at isakatuparan ang mga karapatang ito. Sa konteksto ng tungkuling ito ng estado, marapat nating tingnan ang mga naging patakarang pang-ekonomya at panlipunan ng ating gobyerno at ang mga epekto nito sa mamamayang Pilipino.

Bahagi na ng karanasan nating mga Pilipino ang paulit-ulit na pagtaas sa presyo ng mga batayang produkto at serbisyo, kasama ang petrolyo, kuryente, tubig, mga bilihin sa palengke at pamasahe sa bus at dyip. Nitong unang dalawang buwan ng 2011 lamang, ginulantang tayo ng magkakasunod na pagtaas ng lahat ng mga nabanggit—dagdag pa ang pagtaas ng mga toll fee sa North Luzon Expressway (NLEx) at South Luzon Expressway (SLEx). Nakaamba na rin ang pagtaas ng pamasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) na pangunahing sakayan araw-araw ng daan-daan libong manggagawa, empleyado at estudyante sa Metro Manila.

Sa kabila ng mga pagtutol at kilos-protesta, hinayaan pa rin ng pamahalaang Aquino ang mga pagtaas sa presyong ito, habang isinantabi muna ang binabalak na pagtataas ng pamasahe sa MRT at LRT. Ngunit maging sa bahaging ito, sinasabi na ng gobyerno na mangyayari at mangyayari ang pagtataas ng pamasahe sa MRT at LRT dahil sobrang malaki diumano ang halagang kailangan para patuloy na matustusan ito ng gobyerno. Kamakailan lang, sinabi na rin ng Department of Transportation and Communications (DOT C) na plano nitong isapribado na ang pagpapatakbo ng MRT at LRT.

Kung susuriin natin ang bawat isyu kaugnay sa pagtaas ng mga presyo, makikita nating bunsod ang mga ito ng mga patakaran ng gobyerno sa pribatisasyon at liberalisasyon na nagbubunga lamang ng matinding dagok sa mga karapatang pang-ekonomya at panlipunan ng mamamayang Pilipino.

Ang karapatan sa tubig sa harap ng pribatisasyon

Noong ika-28 ng Hulyo 2010, pormal na kinilala ng 122 bansa ang karapatan sa tubig sa isang resolusyon ng General Assembly ng UN. Kasunod nito, ipinasa ng Human Rights Council ng UN ang isang resolusyong sumasang-ayon na ang karapatan sa tubig at sanitasyon ay bahagi ng karapatan sa sapat (di nagkukulang) na pamantayan sa pamumuhay.

Nakapaloob sa resolusyong ito sa karapatan sa tubig ang pantay na akses sa sapat at malinis na tubig para sa personal at pambahay na pangangailangan (tulad ng pag-inom, sanitasyon, paglaba, pagluto at paglilinis ng bahay) upang masustine ang buhay at kalusugan. Isinasaad din ng resolusyon ang tungkulin ng estado na bigyang prayoridad ang mga personal at pambahay na paggamit ng tubig, kumpara sa iba pang gamit nito, gayundin ang pagtitiyak na may sapat, malinis at murang tubig na maiipon sa hindi kalayuan sa mga kabahayan.

Sa kabila ng pagkilala sa tubig bilang karapatang pantao, nagpapatuloy at matibay naman ang patakaran sa pribatisasyon sa suplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig-pook. Katunayan, nitong nakaraang ika-16 ng Pebrero lamang, ipinatupad ng dalawang pribadong konsesyonaryo sa tubig (ang Manila Water Company at Maynilad Water Services) ang muling pagtataas ng singil sa tubig.

Bago pa man ipatupad ang mga pagtaas nitong Pebrero, malayo na ang itinaas sa halaga ng tubig mula 1997, kung kailan naganap ang pagsasapribado sa mga operasyon ng Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS). Noong 1997, ang simulang presyo ng tubig bawat kubiko kwadrado (cubic meter) ng Manila Water Company ay P2.61, samantalang sa Maynilad ay P4.96. Bago ang pagtaas nitong Pebrero, ang presyo ng tubig ay tumaas na sa halagang P19.73 sa Manila Water Company at P32.93 sa Maynilad.

Ibig sabihin nito, tumaas ng mahigit 700 porsyento ang halaga ng tubig sa Manila Water Company mula 1997, habang tumaas ng mahigit 600 porsyento naman sa Maynilad. Sa pinakahuling pagtaas, simula ika-16 ng Pebrero, ang dagdag sa singil sa tubig ay nagkakahalaga ng average na P11 para sa lahat ng klase ng customer. May source ang GMANews.TV na nagsasabi na ang P1 pagtaas sa singil sa tubig ay nangangahulugan ng karagdagang kita ng P400 milyon bawat taon para sa Maynilad.

Sa ngayon, nagkakainteres na ang mga pribadong kompanya sa pamamamahala at pagsusuplay ng tubig sa probinsya, bagay na ineengganyo naman ng gobyerno. Isang halimbawa ang dambuhalang kompanyang Aboitiz sa Cebu na tinututulan naman ng maraming mamamayan sa Cebu at Davao.

Dapat nating tandaan na maraming mahihirap na bahagi ng Metro Manila, at tinitirhan ng malawak na bilang ng impormal na setler, ang hanggang ngayon ang hindi siniserbisyuhan pareho ng Manila Water Company at Maynilad at kulang ang akses sa malinis na tubig. Hindi naiiba ang sitwasyon ng mahihirap sa Cebu at iba pang malalaking siyudad sa ating bansa.

Ang pagsasapribado sa serbisyo sa tubig at pagtaas sa singil dito ay taliwas sa itinatadhanang karapatan sa tubig ng United Nations. Sa halip na karapatan, ang akses sa tubig ay nagiging prebilihiyo at ang pagsuplay nito ay hindi na serbisyo kundi negosyo.

Hindi pa naman katagalan ang mga panahong ang pagtingin ng mga Pilipino sa tubig, lalo na sa probinsya, ay isang likas na yaman na dapat lamang pangalagaan ng lahat at pakinabangan ng lahat din ng tao sa isang komunidad. Ang tradisyunal na pagtingin ng ating mga ninuno sa tubig ay kabilang ito sa tinatawag na “commons”—hindi pribadong pag-aari at malayang pinakikinabangan ng komunidad. Sa ngayon, halos nalusaw na ang ganitong konsepto sa harap ng patakaran ng gobyerno na isapribado ang serbisyo ng tubig.

Pribatisasyon sa mga pasilidad sa transportasyon

Ginulantang uli tayo ng balak na pagtaas sa pamasahe sa LRT1, LRT2 at MRT3 na magiging epektibo sa Marso 1, 2011. Ngunit ang balaking ito ay pansamantalang naantala sa harap ng malawakang pagprotesta ng mamamayan sa Metro Manila.

Sa ilalim ng balak na pagtaas sa pamasahe, ang mga pasahero sa LRT 1 & 2 at MRT EDSA ay magbabayad ng minimum na P15 (mula sa P10), at P30 (mula sa kasalukuyang P15) para sa “end-to-end trip”.

Samakatuwiran, madodoble ang pamasahe ng mga taong ang biyahe ay “end-to-end” at madaragdagan ng minimum na 33 porsyento ang pamasahe ng iba pa. Sa huling pagpupulong ng gobyerno, pansamantalang ipinagpaliban ng gobyernong Aquino ang implementasyon ng balaking pagtataas na ito, ngunit ipinahayag din nito na sa malao’t madali ay hindi maiiwasan ang pagtaas.

Ang tanong: makatuwiran ba ang pagtaas sa pamasahe na ito?

Kung susuriin natin ang gastusin hinggil sa operasyon ng LRT 1 & 2 at MRT, makikita nating ang bulto ng binabayaran ng gobyerno ay hindi ang operasyon o pagmantine ng tatlong linya, kundi ang binabayarang halaga para sa kita ng mga pribadong kompanya na gumawa ng proyekto. Mahirap isipin na may kailangang bayaran ang gobyerno na humigit-kumulang P7.8 bilyon sa kita ng mga kompanyang ito.

Ang mga proyektong North Luzon Expressway (NLEx) at South Luzon Expressway (SLEx) ay kahalintulad ng LRT at MRT dahil lahat sila ay kabilang sa iskemang Build-Operate-Transfer (BOT) na sa ngayon ay nirerepake bilang Public-Private Partnership
Agreement (PPP).

Kaugnay nito, dapat din nating tandaan na karaniwan na ang korapsyon sa mga proyektong imprastrukturang katulad ng mga ito sa gobyerno at ang halaga ng mga proyekto ay lumalaki dahil sa iskemang ito.

Ang pagtaas sa presyo ng gasolina at kuryente

Ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay mauugat din sa patakarang pribatisasyon at deregulasyon sa sektor ng enerhiya. Simula nang ipatupad ang deregulasyon at pribatisasyon sa sektor na ito, nawalan na ang gobyerno ng kapangyarihang pigilan ang mga pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Nawalan din ng kapangyarihan ang gobyerno na masubaybayan ang tunay na halaga at gastos ng mga kompanyang ito sa pagbili ng langis sa pandaigdigang merkado. Ang kapangyarihan ng gobyerno para impluwensyahan ang presyo ng mga produktong petrolyo ay nawala nang ibenta nito ang Petron. Mangyayari lamang na maiimpluwensyahan nito ang presyo ng petrolyo kung magkakaroon itong muli ng kumpanya sa langis na kayang sumabay sa merkado at makontrol ang manipulasyon sa presyuhan ng langis.

Halos kasabay ng tubig ang pagtaas ng singil sa kuryente. Ang presyo ng kuryente sa bansa ay isa sa pinakamataas sa ating rehiyon at mas mataas pa kaysa sa bansang Japan. Ang pagtataas ng presyo ng kuryente ay ang pinakahuli lamang mula ng mahawakan ng pribadong sektor hindi lamang ang suplay kundi ang generation mismo ng kuryente. Mula sa monopolyo ng gobyerno, isinapribado ang sektor hanggang sa umiral hindi ang kumpetisyon kundi ang dominasyon ng iilang kumpanya sampu ng kanilang mga kasosyo mula sa generation tungo sa distribusyon ng kuryente.

Ang patuloy na pagtaas sa singil sa kuryente ay bunga ng patakarang pribatisasyon ng gobyerno sa sektor na ito.

Ang pang-ekonomya at panlipunan na karapatan

Nabuo ang mga karapatang pang-ekonomya at panlipunan sa kabila ng mga diskusyon hinggil sa kung ang mga ito ba ay kapantay ng mga pampulitika at sibil na karapatang pantao. Sa huli, sinabi ng UN na ang mga karapatang ito ay bahagi ng mga karapatang dapat tinatamasa ng lahat ng tao.

Bagama’t hindi tuwirang kinikilala ang akses sa transportasyon at kuryente bilang bahagi ng mga karapatang pang-ekonomya at panlipunan, dapat nating tandaan na ang mga serbisyong ito ay kinakailangan upang matamasa natin ang buhay na marangal na kinikilala ng United Nations. Sa puntong ito, dapat nating tandaan na magkakawing ang lahat ng karapatang pantao. Hindi lubusang matatamasa ang karapatang pampulitika at sibil kung ang mga karapatang pang-ekonomya at panlipunan ay patuloy na ipinagkakait at hindi kinikilala ng mga namumuno sa ating gobyerno.

Isinasaad mismo ng Universal Declaration on Human Rights noon pang 1948 na ang mga mamamayan ng isang bansa ay makakamit lamang ang mga karapatang sibil at pampulitika, at ang kalayaan mula sa takot at kasalatan, kung tinatamasa nila ang mga karapatang pang-ekonomya, panlipunan at pangkultura.

Leave a Comment Using Facebook